21 Jan No Comments Aileen Ibardaloza-Cassinetto Issue 44, Poems

ni E. San Juan, Jr.

 
 

1. Kapag bukas ang kaban, nagkakasala raw ang sinuman bulag
     o duling man..

2. Ang pangako ay utang, kahit ka suba, huwag kalilimutan.

3. Damit na hiram, kung hindi masikip o maanghot ay maluwang.

4. Ang iyong hiniram, isauli o ipagunita, upang sa susunod
     di ka makadalaan.

5.. Tinda mo, bili mo, tubo ko, lugi mo, niloloko mo ba ako?

6. Ang akala ko’y nakamura, namahalan pala. Madaling kita,
     madaling gasta, wala kang pagkadala..

7. Kapag nangusap ang salapi, nauumid ang labi, nakikinig
     pati pipi’t bingi.

8. Kahit matapang sa singilan, duwag naman sa utangan,
     sino’ng nalamangan?.

9. Walang yumaman sa lupa na di muna naging dukha
     liban sa nagmana..

10. Naghangad ng kagitna, isang salop ang nawala, kaya sinunog
     ang mandala..

11. Walang pagod magtipon, walang hinayang magtapon, patapun-tapon..

12. Ubus-ubos biyaya, bukas nakatunganga, liban sa pork-barrel
     na binukaka..

13. Kapag apaw na ang salop, nawawala ang kalos at lahat kinakapos.

14. Nawawala ang ari ngunit ang uri ay hindi hanggang
     walang pagsusuri’t pakikipagtunggali.

15. Turan mo ang iyong kaibigan, sasabihin ko kung ikaw’y kaaway.

© E. San Juan, Jr.