17 Jul No Comments Aileen Ibardaloza-Cassinetto Issue 45, Poems

ni Edgar Bacong
2015 OOV Resident Poet

Nang inukupa ng iyong kuwento
Ang isang pahina ng pahayagang
Naging kasalo ko sa agahan
Nakisabay sa paggulong ang aking ulo
Sa mga katawang inutas ng iyong ideolohiya.
At sa pagitan ng mga bantas at talata ng balita
Namulaklak ang mga katanungang
Di mabungkos-bungkos ng aking pag-unawa.
Gayunpaman, kung magkapanahon ka
Pawalan ang namamayaning poot sa puso,
Idistrungka ang tangan-tangan na baril,
At subukang humapon sa bulubunduking
Bahagi ng ipinaglalaban mong Baskiye
Baka sakaling iyong matanto na hangga’t
Pagala-gala sa kabayanan ang karahasan
Patuloy na magmumulto ang kapayapaan.

Pebrero 14, 2006

Si Edgar Bacong ay awtor ng Habagat at Niyebe, kalipunan ng mga tulang Filipino at Cebuano na nilathala ng Tuluyang Pinoy Zurich at Mindanews noong 2005. Ilan sa kanyang mga akda ay mababasa sa mga antolohiyang Ani 23 at 34 ng Cultural Center of the Philippines at Obverse 2 ng Pinoypoets. Tubong Dabaw at nakapagtapos ng Bachelor of Arts in Sociology sa Ateneo de Davao University. Dahil sa pag-ibig ay nilisan niya ang bayang kinalakihan at kasalukuyang naninirahan sa Zurich, Switzerland.