home
from the editor's laptop
welcome readerpoemsessaysshort storiesplaysbibliographybookslinksarchivesindex to issuesOOV readersabout us / submitcurrent issue

 

Eh natatakot ngang lumabas ng bahay. Pinagtutulakan na nga namin ni Diday, eh, habang wala si Sir. Pero tulala, eh. At utos daw sa kanya ni Sir na di siya lalabas ng bahay ng walang permiso. Matatakutin ang bata, eh.

Bakit ba tatlo-tatlo pa kayo diyan kay Mr. Enrique?

Ewan ko nga ba. Dalawa na nga kami ni Diday na nilagay ni Senyora, eh, matapos ngang pag-iwanan yung anak niyang si Sir. Tapos biglang sumulpot na lang itong si Jo-Ann. Kayang-kaya naman namin ang trabaho. Pwes, ngayon, madalas nakatunganga lang kami. O nakikipag-kwentuhan sa kapitbahay, dito kay Linda.

Yang si Sir niyo, madalas hatinggabi na yan kung umuwi.

Naku, oo, at laging naka-inom. Ang tatawagin pa sa intercom, si Jo-Ann. Nagpapadala ng kape. Pero sinasabi namin ni Diday, tulog na ho, Sir.


Naku, oo, at laging naka-inom. Ang tatawagin pa sa intercom, si Jo-Ann. Nagpapadala ng kape. Pero sinasabi namin ni Diday, tulog na ho, Sir. Mainit nga samin iyan, pero wala siyang magawa. Yung sahod namin, sa Mama niya nanggagaling.

Hindi ba maaring isumbong dun sa Mama niya?

Naku, pakataray po noong si Senyora! Alam niyang buktot ang anak niya. Pero kung sa iba manggagaling, wala! Tiyak na sisante lang kami.

Eh kung lumipat na nga lang kayong tatlo, layasan niyo?

Aba'y kung mahahanap niyo kami ng ibang mapapasukan, okey lang. Ayaw rin namin ni Diday na patunga-tunganga lang. Tulad mo, Margie, kami'y may respeto rin sa aming trabaho, ano. Di tulad ng iba diyan.

Uy, may pinapatamaan yata sa inyo. Baka ikaw, Marivic.

: Baka ikaw, Carol.

Baka tayong dalawa.

Yun nga sanang magandang mangyari, eh. Kung tayo'y makapagtayo ng asosasyon, nang makapagtulungan tayong lahat. Pag may nagigipit, aalalayan muna natin. Pag may nawalan ng trabaho, pahiramin muna, tulungan muna. Kung may matutulugan, dun muna. Hanggang maihanap ng bagong papasukan.

Ano yun, Ate Esther, mag-aambag tayo buwan-buwan? Eh di bawas na naman sa sweldo yan.

Aba'y kung gusto lang namang sumanib sa asosasyon, ano! Kung ma-emergency ka naman, matitiyak mong may tutulong sa iyo.

Magandang ideya yan, Esther. Dati'y naisip ko na yan. Kaya lang sabi ko sa sarili, wala, di ko makikitang mangyari yan sa buong buhay ko.

Aba'y bakit? Manang Maring, alam niyo bang magkakabatas na raw na mag-po-protekta satin? Nadinig ko sa radyo, merong Congressman na may panukalang magkaroon ng mimimum wage ang mga D.H., dito sa Pilipinas yun, a. Parang mga D.H. sa abrod. At merong maximum na oras ng pagtrabaho. Lampas dun ay overtime pay na raw!

Nakow! Maniwala ka riyan. Buting mangyari iyan. Pagputi ng uwak. Pag-itim ng tagak. O mamuti man ang mata ko ... Mangingitim kayo sa kaiintay ...

Oo nga. Yang mga pulitiko, puro dada lang yan. Boto lang natin ang nililigawan niyan.

Baka naman hindi. Baka naman magkatotoo. Ba't di natin suportahan, sino mang Congressman yan na madada. Baka nga maging batas, eh di mabuti.

Matututo lang yang mga amo natin pag nawala tayong lahat, at naranasan nilang magluto, maglinis at maglaba ng sila-sila.


Matututo lang yang mga amo natin pag nawala tayong lahat, at naranasan nilang magluto, maglinis at maglaba ng sila-sila. Parang sa Amerika. Yung napaka-yayaman lang ang can-afford ng mga maid. Kung hindi, sariling kayod sila sa bahay, bukod sa upisina. Diyan lang malalaman ng mga iyan kung gaano tayo kahalaga.

Kaya nga ba, kung sisimulan nating respetuhin ang ating mga sarili, baka sumunod rin yang mga nakaka-angat. Kapag nakita nilang may pwersa tayo, titino sila. Yan ang lengwaheng naiintindihan ng mga yan.

: Tama! Okey ako diyan! Yang mga amo, Boss Tsip, Bossing, Sir at Ma'm, Don at Donya, Senyor at Senyora—nakakasawa nang magpa-api tayo sa mga yan!

Hus! Kaya ba nag-aambisyon kang mag-OCW? Para lang maiba ang kulay ng amo, Bossing, Sir at Ma'm?

: Ano fi? Kung dolyar o yen naman ang kita, okey nang magpa-api!

Teka, teka. Mabalik tayo sa ideya ni Esther na magka-asosasyon ... Aba, kung papayag ang karamihan sa atin na sumanib diyan, eh, magkaka-pwersa nga tayo, bukod sa may maaasahang tumulong satin kapag nagka-emergency. Ang gusto kong malaman, eh, makakatulong rin ba ito sa kaso ng tulad ni Jo-Ann. Kung magka-asosasyon ba tayo, anong magagawa nito para matigil yang tinatangka niyang si Mr. Enrique sa kawawang bata?

Sa palagay ko, meron naman, Margie. Unang-una na, kapag naka-form tayo ng organisasyon, maari tayong sumulat sa village association at i-reklamo ang mga kabuktutang ganyan.

Ano, magsumbong sa Village Homeowners' Association?

Eh officer yang si Mr. Enrique diyan, eh! Paano niyong aasahang makinig yang mga yan?

At kung pagbawalan tayo ng mga amo natin na sumanib sa asosyasyon, paano na yun? Eh kung sisantehin lang tayong lahat?

Takot lang nila. Mahirap na yatang humanap ng maid ngayon. Yan ngang mga ahensiya, ang lakas ng kita, eh. Di tulad ng dati, diretso ang pagkuha sa probinsiya. Aba, ngayon pipila ka bago makakuha. Ang dami ngang nagpapahanap, di ba? Sa akin lang, ang daming Misis diyan na nagtatanong, eh.

Tama si Maring. Hindi basta-basta nagpapalayas ng maid ngayon. Alam nilang mahirap makakuha ng kapalit.


Tama si Maring. Hindi basta-basta nagpapalayas ng maid ngayon. Alam nilang mahirap makakuha ng kapalit. At di naman mababahala yang mga homeowners kung magtayo tayo ng asosasyon. Sasabihin lang natin muna na parang social club yung organization natin. Di ba, pinapayagan naman tayong mag-Christmas party? Parang ganun lang muna. Parang social club lang. At sasabihin nating para sa kapakanan na rin ito ng mga bagong empleyado dito sa village. Para malaman nila ang mga regulasyon, ganun. O ma-aabisuhan natin ang lahat ng mga domestic helpers dito tungkol sa anong dapat iwasan. Yang pagtawag ng long distance diyan sa mga fortune teller. Yang panliligaw ng mga construction worker na palaboy naman, playboy pa! Ganun. Isang asosasyon na tutulong sa sari-sarili natin, at sa mga bagong-salta!

Madaming alam talaga itong si Esther! Sige, planuhin pa natin.

Tapos, pag akseptado na ng mga homeowners itong club natin, aba'y madali nang magpahayag nang pagka-abala tungkol sa mga bagay na makakasama sa village. Tulad ng maling pagtatapon ng basura. O yang pagka-luko-luko ng ilan diyan sa mga guards. Pag palabas o papasok tayo, kapag gusto kang pahirapan, ganun-ganon na lang. Madalas naman ay gusto lang pumorma. Tapos nuon, pag merong di-magandang pagtrato sa isa satin, ipapaalam na rin natin. Hindi nga natin sila mapupuwersa na umaksiyon. Pero mapapa-alam natin. At yung may mga konsyensya diyan, siguro naman kikilos rin.

Eh itong kaso ng amo naming garapal, palagay mo ba, Esther, pakikinggan tayo riyan? O may mangyayari? Miyembro nga ng board ng village association yang si Sir, eh. Uma-a-attend yan sa mga meetings. Baka bigla tayong pagdiskitahan. O kami.

Di naman kayo ang aangal, eh. O pipirma sa pahayag natin, eh. Kundi yung mga opisyal ng asosyasyon natin. At kapag sila mismo ang nasasangkot sa anumang problema, eh di yung ibang mga opisyal natin ang magpapahayag.

: Magkaka-eleksiyon tayo, Ate Esther?

Siempre. Ano pa, loteriya? Parang lotto? O bunotan ng papel?

Eh kung pagdiskitahan pa rin ang mga pumirma? Baka lapitan lang ng mga inaangal natin yung mga amo ng mga pumirma, tapos patahimikin na sila.

Subukan muna natin. Wala namang mawawala satin kung susubukan natin, hanggang saan man humantong.

Payag ako riyan. Pero dapat paiba-iba ang mga opisyal ng asosyason natin. Di lang para magka-iksperyensya ang lahat sa pamumuno, pero para na rin walang mapagdiskitahan.

Tama yan, Manang. Siguro every three months, magpalit tayo ng mga opisyal.

Naku, katakot-takot na halalan. Eh di buong taon, kampanya tayong lahat.

: Sige, sige, mag-eleksiyon na tayo ngayon. Si Ate Esther na'ng i-no-nominate ko bilang Presidente. Second da motion na rin.

At si Ate Margie ang Bise! Basta kami ni Marivic, PR.

Teka. Hindi pa siguro muna. Kailangang mapag-alam muna natin ito sa karamihan, kundi sa pawang lahat ng mga nagsisilbi dito sa village. Ipagkalat nating lahat. Tapos, sa Sabado uli, kung maari na naman tayong magtipon, duon natin buuin ang asosyasyon. Pati na rin ang halalan sa unang set ng mga opisyal. Kung hindi makakadalo, at least kunan natin ng pirma na sang-ayon silang sumanib. At kung sino ang gusto nilang mamuno sa susunod na tatlong buwan. Tapos relye-relyebo lang tayong lahat bilang mga opisyal. Maayos ba?

Lahat ay tatango. Okey, sasabihin ng ilan.

Kung hindi maari rito kina Margie, tignan natin kung sinong magpi-prisinta na pwedeng pagmitingan sa Sabado. Kung wala, kahit sa park na lang tayo magpulong at magbilang ng mga pirma. Sana at least otsenta porsyento ng mga katulong sa village, sumanib. Kung hindi aabot nuon, di tayo gaanong magiging mapwersa.

Aba, dapat lahat! Kapag ayaw sumali, hala sila, iisnabin natin. Walang kakausap. Walang magpapahiram ng cassette tape.


Aba, dapat lahat! Kapag ayaw sumali, hala sila, iisnabin natin. Walang kakausap. Walang magpapahiram ng cassette tape.

Maganda nga kung lahat sasali. Para talagang ma-pwersa.

: Sasali naman siguro lahat, eh. Kasi nga sasabihin natin, parang club ito. Pag hindi sila sumali, di sila kasama sa Christmas party, sa Valentine's party, sa birthday party ...

Nino?

: Ni Ate Margie. At di nila matitikman ang sandwich na de-kulay at punong-puno ng mayonnaise at egg at bacon, tumutulo pa sa tagiliran. Ang tutulo, ang laway nila, pag nakita nila tayong bisting-biste tulad ni Bingbing, at papunta na sa mga party natin.

Magtatawanan ang ilan.

Nakakatawa ka naman, Marivic. Pero ganun na nga dapat ang kunwaring dahilan nitong pag-o-organisa natin. Siempre sa umpisa, kasayahan lang muna ang layunin. Para na rin hindi mabigla ang iba. Alam niyo na, madaling matakot ang karamihan satin, sa anumang hindi pa nararanasan.

: Pwera ko diyan. Lahat ng karanasan, Ate Esther, gusto kong matikman!

Ha ha ha. Kaya nga ba di ka tumatagal saan man, eh. O bawat amo ba, bagong karanasan?

: Ayun na nga. Yun na yun. Kayo rin. Pag hindi makipagsapalaran, walang hahantungan. Bakit, buong buhay ba ganito na lang tayo? Aba'y iba nang may ambisyon. Kahit palipat-lipat, aasenso rin. Iba nang naghahanap ng bagong oportunidad. Kaya nga ako, nag-te-training na maging cultural dancer. Sorry, ha, pero baka hindi ako makasilbing opisyal sa ating asosasyon. Pero padadala ko pa rin ang membership dues ko kahit na nasa Tokyo na ako.

Siryoso ka ba, Marivic?

: Ano fi? At bakit hindi? Kahit anong asosasyon ang itayo natin dito, kung mabubulok lang tayo sa Pilipinas, eh para ke pa tayo sumalta sa Maynila na promding-promdi? Eh di ituloy na natin. Iniwan na rin lang naman natin ang mga magulang natin sa probinsiya, titigil na ba tayo? Porke ba't nakabisita na tayo sa SM MegaMall, okey na? Eh di magpa-ibang bansa naman! Mas malaki ang kita, mas malaki ang mapapadala sa mga minamahal na magulang at mga pasang-krus na mga kamag-anak. Mas malaki ang maiipon. At mas malaki ang tsansa na uunlad ang kabuhayan. Ano, Ate Esther, sama ka! Doon tayo mag-organize ng mga Pinay na Japayuki. Tapos lipat tayong Singapore, organisahin mo rin ang mga D.H. dun, para di na magkaroon ng Flor Contemplacion. Tapos, sa Saudi, sa Europa, sa buong mundo!

Maniniwala na ako, Marivic. Malapit na!

Lukaret talaga itong babaeng ito, oo. Pero nakakatuwa. Gusto pa'ng dominahin ang buong mundo.

Bakit nga naman hindi? Hindi ba, ang sabi diyan, eh, pag sabay-sabay daw umihi ang mga Intsik sa Tsina, babaha raw sa buong Asya?


Bakit nga naman hindi? Hindi ba, ang sabi diyan, eh, pag sabay-sabay daw umihi ang mga Intsik sa Tsina, babaha raw sa buong Asya? O kapag sabay-sabay daw tumalon, magkaka-lindol sa ibang parte ng mundo? Ganoon din siguro kung magkaroon ng ...

Ng Chimay Power!

Oo, exciting nga itong pantasya ni Marivic. Sali ako diyan, ha, kahit gurang na.

: Aba, Manang, walang gurang-gurang sa nangangailangan ng maglalaba, magpa-plantsa, maghuhugas ng pinggan, magwawalis sa sala, sa garden, sa harap ng bahay ...

Sa u-o ng aso ...

Sa basurang naiwan ng basurero ...

Sa putik na bakas ng mga sneakers ni Junior ...

: Alam niyo bang anim na milyong Pinoy ang nagtatrabaho sa abrod? Baka nga daw pitong milyon! Biro ninyo, sa bawat sampung Pilipino, may isa na wala rito, nandun sa abrod, nakikipagsapalaran. Aba'y kung damihan pa natin, eh, baka nga ma-impluensiya natin ang buong mundo.

Tama ka, Marivic. Kahit saang bansa, merong Pinoy. Kayat anumang trahedya o aksidente ang mangyari, merong Pinoy na kasali. Pag may lumubog na bapor kahit saan, may Pinoy. Kapag nag-crash ang eroplano sa Europa, merong Pinoy. Pag nagka-hostage situation saan man, may kasamang Pinoy. Ganyan ang pagka-kalat natin sa buong mundo. At hindi dapat ikahiya na marami sa contract workers natin ay katulong, o D.H.

Chimay Power! Sa buong mundo!

: Makipagsapalaran! Tayong lahat, dapat makipagsapalaran. Huwag makuntento sa kabuhayan dito. Lumabas ng bansa. At maging bayani!

Magtatawanan ang lahat. Ma-e-excited sila at tatayo ang karamihan, halos sumasayaw sa kasayahan.

Sige na nga! May punto si Marivic. Dapat makipagsapalaran.

Oo! Makipagsapalaran! Magpa-ibang bayan!

previous page | next page

back to toptop



powered by
FreeFind
  poems | essays | short stories | plays
from the editor's laptop | welcome reader | frontispiece | bibliography
books | links | archives | index to issues
readers | about us | current issue