CUT TO: TAG. 7: LABAS. SEMENTERYO. ARAW.
May dalang sariwang bulaklak si BLANCA at inilagay niya sa puntod ng kanyang ina. Nagsindi rin si BLANCA ng kandila.
BLANCA: (Sa sarili)
Inay, sana ngayon naiintindihan na n'yo ako. Ngayong wala na rin ang Papa na siyang nagpalawak sa agwat natin noong nabubuhay pa kayo. Siguro, sa pagkamatay na ito ng Papa, pinatawad n'yo na rin siya sa mga pagkukulang niya sa atin. Iniwan man niya tayo noon, siguro, maaari na natin siyang patawarin. Kahit ni isa sa kanyang mga pangako sa atin noon ay hindi niya tinupad. Kahit puro pangako lamang ang kanyang ibinigay sa atin. Inay, wala na ang Papa . . . Siguro, magkikita na rin kayo saan man kayo parehong naroroon ngayon. At Inay, sana patawarin na rin ninyo ako.
DISSOLVE TO: TAG. 8: LOOB. BAHAY NI BLANCA. GABI. NAKARAAN.
Ito ay FLASHBACK at nangyari labing-walong taon na ang nakalipas. Dalaga pa si BLANCA at buhay pa si Inay. Nasa isang madilim na sulok si BLANCA at takot na takot. Nasa harapan niya si INAY na hawak ang mga sulat at galit na galit.
INAY: Ano ito, Blanca? Ano ang mga ito?
BLANCA: Inay . . .
INAY: Mga sulat ito galing sa balasubas mong ama, ano?
BLANCA: Inay . . .
INAY: Sumagot ka nang maayos. Gusto kong sa bibig mo mismo marinig.
BLANCA: Opo, Inay . . .
Itatapon ni INAY ang mga sulat sa mukha ni Blanca.
INAY: Walang utang na loob! Matapos kitang igapang sa hirap, matapos kong tiisin ang pag-aalipusta ng lahat-mapalaki lamang kita. Pagkatapos, ito pa ang igaganti mo sa akin-ang ipagkanulo ako?
BLANCA: Inay, walang masama kung makipagsulatan ako sa kanya. Anak din niya ako. At saka baka siya na ang makatulong sa atin ngayon. Sawa na rin ako sa paghihirap, Inay.
INAY: Tulong? Anong tulong ang maibibigay niya? Tinulungan ba niya ako nang malaman niyang buntis ako sa 'yo? Hindi! Pinangakuan lang niya ako't iniwan pagkatapos. Pinangakuang babalikan ako pero ginawa ba niya? Hindi! At ngayong malaki ka na, guston ka niyang kunin sa akin dahil hindi na siya maghihirap pang magpalaki sa'yo. At ikaw naman, ikaw na wala palang utang na loob, gusto mong sumama sa kanya't iwan na ako rito?
| Pinagtatawanan ako ng lahat dahil dalagang ina raw ako. Nagpaloko sa GI. Nagpaloko sa Amerikano. Hanggang pier lang daw ako. |
BLANCA: Inay, hindi ho gan'un ang gusto kong mangyari.
INAY: Sinungaling! Oo, hindi ako marunong sumulat. Hindi ako marunong bumasa. Pero hindi mo maililihim sa akin ang lahat. Ipinabasa ko ang mga sulat na 'yan sa Ninang Patring mo, alam ko na ang balak ninyong mag-ama.
BLANCA: Patawarin n'yo ako, Inay. Intindihin n'yo ako. Gusto kong makaahon sa hirap. Ayaw kong matulad sa ibang GI babies na hanggang pier lamang tulad ng kanilang mga ina. May pangarap din ako. Intindihin n'yo sana 'yun.
INAY: Sana, hindi maglaho ang mga pangarap mo tulad ng mga pangarap ko. Pero sana, matupad man o hindi, isinali mo rin ako sa mga pangarap mo.
BLANCA: Ipinangangako ko, Inay. Pag nakarating ako sa Amerika, hindi ko kayo pababayaan. Kung hindi ko man kayo maisama roon, susustentuhan ko naman kayo. Hindi na tayo maghihirap pa.
INAY: Sana, ang mga pangako sa 'yo ng iyong ama ay hindi matulad sa mga pangako niya sa akin.
DISSOLVE TO: TAG. 9: LABAS. SEMENTERYO. ARAW
Ang tagpong ito ay karugtong ng eksena bago ang nakaraan. Nasa harap ng puntod ni INAY si BLANCA na ngayon ay nangingilid ang luha.
BLANCA: Patawarin n'yo ako, Inay-sa lahat ng sama ng loob na ibinigay ko sa inyo. Patawarin n'yo na rin sana ang Papa dahil pinatawad ko na rin siya.
DISSOLVE TO: TAG. 10: LOOB. BAHAY NI BLANCA. ARAW
FLASHBACK: Nangyari labing-walong taon na ang nakalipas. Namamalantsa si BLANCA. Papasok si INAY na parang malungkot. May dala itong sulat.
INAY: May sulat ka, anak. Galing siguro sa Papa mo. Ito na siguro 'yung hinihintay mo. Siguro, nakasulat na d'yan kung kailan ka papupuntahin sa States.
Tuwang-tuwa na kukunin ni BLANCA ang sulat at bubuksan ito.
INAY: Aalis ka na. Iiwan mo na ako. Sana, hindi ka makalimot, anak. Ikaw na lang ang pag-asa ko. Ikaw na lang ang natitira sa akin, pagkatapos mawawala ka pa.
Hindi papansinin ni BLANCA ang INAY; babasahin nang taimtim ang nilalaman ng sulat.
INAY: Naaalala ko pa noon. Bagong panganak pa lamang ako sa 'yo. Pinagtatawanan ako ng lahat dahil dalagang ina raw ako. Nagpaloko sa GI. Nagpaloko sa Amerikano. Hanggang pier lang daw ako. Pero hindi ko inintindi ang mga pasaring nila sa akin. Binale-wala ko ang tawanan nila dahil nakita kitang ngumiti sa akin. Maputing-maputi ka. Mestisang-mestisa. Hindi ko ipagpapalit ang kaligayahang nadama ko noon sa anumang pamimintas at upasala . . . Hindi ko rin maisumpa ang sundalong Amerikanong nanloko sa akin-dahil iniwanan niya ako ng sanggol na pagkaganda-ganda. Pagkaputi-puti. Sabi ko, tatawagin kitang Blanca-dahil kasimputi ka ng snow na nakikita ko sa mga litrato ng kalendaryo kung Pasko . . .
Matatapos basahin ni BLANCA ang sulat. Mangingilid sa luha ang kanyang mata.
Nang una ko pa lamang nakita ang Amerikanong 'yun, parang nakita ko uli ang iyong ama. Ayaw kong matulad ka
sa akin. Kung ako pa sa'yo, maghahanap na lang ako ng Pilipino. |
INAY: Blanca, pag nasa Amerika ka na, magpalitrato ka sa snow at ipadala mo sa akin, ha?
Titiklupin ni BLANCA ang sulat at ibabalik sa sobre. Papatak ang kanyang luha.
BLANCA: Inay, hindi ako aalis . . . Ang pangako ng Papa, muli na namang napako.
CUT TO: TAG. 11: LOOB. NIGHTCLUB SA OLONGAPO. GABI. NAKARAAN.
FLASHBACK pa rin: labing-pitong taon na ang nakalipas. Kumakanta si BLANCA sa club at masigabo ang palakpakan ng mga Amerikano sa kanya.
BLANCA: (Umaawit ng standard.)
Makikita sa isang sulok ng club si JACK na buong giliw na pinanonood si BLANCA. Nasa kabilang sulok naman si INAY na matamang nagbabantay sa anak. Nang matapos ang awitin ni BLANCA, pinakamalakas pumalakpak si JACK.
JACK: Bravo! Bravo! Bravo!
Bababa ng entablado si BLANCA at mauupo sa tabi ni INAY. Nag-papalakpakan pa rin ang mga ito.
BLANCA: Inay, baka nagugutom kayo. Umorder kayo ng kahit na ano. Kakaltasin na lang nila 'yan sa sweldo ko. Masama ang magutom, lalo't nagpupuyat kayo sa pagbabantay sa akin dito gabi-gabi.
INAY: Huwag mo akong intindihin, anak. Nahihiya nga ako sa 'yo dahil napipilitan kang magtrabaho rito.
BLANCA: Inay, mabuti na ito kaysa maglabada ka at kaysa kung anong trabaho pa ang pasukin ko. At saka, wala pong masama sa pagkanta.
INAY: Walang ngang masama. Malapit lang ang tukso.
BLANCA: Kahit saan, meron n'un. Nasasa may katawan na lang, Inay.
INAY: Blanca, tamang isa lamang sa atin ang nagkamali't nagpadala sa tukso.
BLANCA: Alam ko, Inay. Sige't may number pa ako. Bahala na kayo d'yan.
Iiwanan ni BLANCA si INAY at papanhik na uli ito sa entablado. Magsisimula siyang umawit ng kantang standard.
BLANCA: (Kumakanta.)
Magsisindi ng sigarilyo si JACK sa kanang sulok na kinauupuan. Patuloy na aawit si BLANCA. Magtititigan sila ni JACK. Malagkit ang ngiti ng Amerikano sa kanya. Sasagutin niya ito ng malagkit ding ngiti. Hindi ito makalalagpas sa paningin ni INAY.
CUT TO: TAG. 12: LOOB. BAHAY NI BLANCA. GABI. NAKARAAN.
FLASHBACK pa rin at nangyari labing pitong taon na ang nakalipas. Nakahiga sa dilim si BLANCA at nagmumukmok nang pumasok si INAY.
INAY: Blanca? Wala ka bang pasok? May sakit ka ba?
Hindi kikilos si BLANCA at mauupo sa tabi niya si INAY.
INAY: Ano ba'ng nangyayari sa'yo? Masama ba'ng pakiramdam mo?
BLANCA: Wala po. Hindi po. . .
INAY: Wala po. Hindi po. E, maghapon ka nang nagmumukmok dito sa kuwarto.
BLANCA: Wala po talaga.
INAY: Anak, ano bang talaga ang nangyayari? Hindi ka magkakaganyan kung wala. Kilala kita. Dalawa na lang tayo, maglilihim pa ba tayo sa isa'ti isa?
BLANCA: Wala lang akong gana, Inay.
INAY: Magkalinawan nga tayo. Dahil sa Amerikanong Jack na 'yun kaya ka nagkakaganyan, ano? Blanca, anak, galing na ako d'yan. Magpasalamat ka at bago ka tuluyang nalulong sa Amerikanong 'yun, nadestino na sa Vietnam. Mas masakit kung tumagal-tagal pa siya rito at tuluyan kang umibig sa kanya. Tulad nang nangyari sa akin noon sa iyong ama. Mabuti at hanggang maaga, nawala si Jack. Nang una ko pa lamang nakita ang Amerikanong 'yun, parang nakita ko uli ang iyong ama. Ayaw kong matulad ka sa akin. Kung ako pa sa'yo, maghahanap na lang ako ng Pilipino.
Walang masama sa ginagawa ko. Kumakanta lang ako sa club para mabuhay tayo. Para mapag-aral kita. Ito lang ang alam kong gawin, anak... At tinitiyak ko sa'yo, hindi
ito masama. |
BLANCA: Inay, pareho na tayo ngayon. Pareho tayong hanggang pier lang.
INAY: Ayaw kong makinig sa 'yo!
BLANCA: Si Jack, Inay. May nangyari na sa amin ni Jack. Buntis ako. At wala na siya.
INAY: Ano?
BLANCA: Pero huwag kang mag-alala, Inay. Nangako si Jack na babalikan ako. Nangako siyang pakakasalan ako.
INAY: Nangako . . .?
Sasakit ang dibdib ni INAY at malulugmok.
BLANCA: Inay . . .?
INAY: Masakit, Blanca. Masakit tumingin sa salamin at makitang muli ang nakaraan.
BLANCA: Inay! Inay! Diyos ko po! Inay . . .!