Paano Magpapagawa ng Bahay
ang Isang Migrante
ni Corazon Cañete
Paano magpagawa ng bahay ang isang migrante?
Una, isulat sa magulang o sa asawa kung magkano
ang kaya mo, budget ang tawag dito.
Tapos, iguhit ang korteng nais mo—ilang palapag, ilang kwarto,
saan ang kusina, ang banyo at pati klase ng lababo.
Sasagot sila kaagad, at ang sasabihin sa yo,
yung budget na kaya mo ay kulang dun sa bahay na gusto mo.
At ang sagot, "Sige, kung ano na lang ang itsura
na pupwede sa pera ko", sabay buntong hininga at
Sambit “oo nga pala, iba ang realidad sa mangarap ".
Ngayon, paplanuhin mo kung paano magpapagkasya ang kita mo
May laan para sa pang-matrikula, gamot, pagkain at iba pa.
At Syempre, ilang bahagi nito ay sa pagpagawa ng bahay
at yung matira (na barya)
Pag-iisipan kung paano titipirin sa araw ng pagpapahinga.
Sunod nito, bibilangin na yung naipon mong pera.
Isa, dalawa, tatlo apat…..
Sa pagbilang , sasagi sa isipan ang lahat ng dinanas na hirap
Sa maghapong paggawa, ilang duro ba ng amo ang natanggap ?
Lima, anim….yung ulam na tira at rasyong kanin para sa
araw-araw na pagkain
Pito,walo.. saan ka nga ba natutulog, sa ibabaw ng washing
machine o sa sulok ng banyo?
Ulit….pito, walo..sambit mo..
Marami-rami na pala ang sa akin!
Marami-rami na pala ang alin?
Ang perang hawak mo o ang hirap na tiniis ?
Siyam, sampu…bawal ang umupo, curfew ay gabi ng alas otso
Ulit, iyong namnamin, siyam, sampu …”alipin .ang turing sa akin."
Labing-isa….Labing-isa!!
Putris, may labing isang libong dolyar ka na pala!
May ngiti ka sa labi sa hawak na pera
At sambit mo, "akin ito, kapalit ng hirap, pagod at lungkot ".
Kapalit ng mga ito, ngayon, matutupad ang iyong pangarap.
Pero, hindi dito matatapos…
Sa una, padadalhan ka ng litraro
Makikita mo ang pundasyon ng bahay mo
Ang laki ng bakal at taas ng hollow-blocks pati lalim ng poso-negro
Iku-kwento rin sa yo kung ilang naubos na supot ng semento,
Ilang truck ng buhangin ang kailangan at pati na rin kung ilan
ang nagtrabaho
Ilang linggo ang lilipas at ikaw ay mangungumusta
"Ano na ba ang itsura ng pinagagawang bahay ko?"
Ang sagot, huwag kang mag-alala at buo na ito,
nailagay na ang amba
Sa batong haligi,, may pinto at bintana na
At payapa ka ulit mangangarap na sa pag-uwi mo'y may bahay ka na!
Pero, hindi pa rin tapos….
May tawag mula kay Nanay, banggit
ay naalintana ang bubong na ilalagay
Kulang ang perang pinadala, kapos para sa yero at tabla
Di bale kamo at may ipon ka pa, para sa binubuong pangarap
handa ka
Ngunit may pahabol, pano ang pang matrikula,
nalimutan mo na ba na Hunyo na
Alin ang una, ang pangarap o pang-matrikula ?
Sa isip mo, "Oo nga, patapos na si Bunso,
sige saka na ang yero at tabla,
Saka na lang muli ang aking pangarap…
oh ang aking bahay ! Pangarap kong bahay !
O pwede rin namang mangutang ka, lakasan lang yan ng loob,
di ba?
Ulit, pagpaplanuhan mo pano pagkakasyahin ang kita mo
Meron para sa pang-matrikula, pagkain, gamut, at iba pa
at ngayon dagdag dito ang pambayad ng utang at may interes pa!
Lumipas ang panahon,
Ito ay hindi pa rin tapos
Kapos talaga ang perang padala
Kailangan pa ng buhangin at semento para sa pag-palitada,
kailangan din ng dagdag pang tabla para sa dibisyon sana,
pambili ng kuntador, gripo, lababo, tiles, pintura
inodoro at kung anu-ano pa !
Mamalasin ka inabot ng pagtaas ng gasolina,
kasama sa pagtaas ng presyo ang buhangin, semento,
yero at tabla,
Tanong mo sa sarili , pano na kaya ang pagtapos ng pagpapagawa
ng bahay ko, uuwi kaya akong ito'y may kisame't bubong
at may palitada na?
May lababo o banyo ? O may tubig at ilaw na kaya?
Kailangan pa ng pera, kailangan pang magpaalipin pa
Sige lang, tuloy pa rin ang trabaho, tuloy ang pagubos
ng lakas sa pag-gawa para sa amo
Kapalit nito ang konkretong bahay mo, di gigibain ng kahit
anong bagyo
Kasama sa isang bubong lahat ng mahal, si Nene, si Bunso
ang irog mo
Pati na rin si Nanay at Tatay at mga kapatid mo!
Ganito kahirap magpagawa ng bahay ang migrante!
Hindi madali buuin ang pangarap ng isang migrante!
Ilang taon ang bubunuin ng lungkot, ng pagod at hirap
At kasama sa itinayong pundasyon ng bahay ang
hinagpis ng paglayo sa mga mahal sa buhay
Binaon sa poso negro ang katumbas na pawis sa pagtatrabaho
Inihalo sa buhangin at semento ang luha ng bawat lungkot
at sayang nadama
Nakaukit sa pader ang hapdi ng karanasan at maltratong
naranasan
Nasa lahat ng sulok ang alaala ng pagtitiis at pagtitiyaga
Isinisigaw ng kabuuang konkretong bahay kung sino may-ari nito
Oo siya ay migrante, ang iyong ama, ang iyong ina, ang anak
mo,
tayo!
© Corazon Cañete |