pinamamahayan ng lumbay
ang puso kong mapagbanyuhay
gayong pinanabikan
ng aking mga talampakan
na marating ang syudad
na kumakalong sa gumigiwal-
giwal na Ilog Vistula,
nadaig yata ng makulimlim
na panahong nakalambong
sa aking ulunan
habang isa-isa na kinikilala
ang mga iskinita ng Stare Miasto
binabati ako ng mga gusaling
tila mga bulaklak sa parang
kung tagsibol
ngunit sa aking balintataw
lahat sila ay kay pupusyaw,
wari unti-unting dinidilaan ng apoy
ng ikalawang digmaang pandaigdig
kaya magmula ngayon
ayoko nang maglakbay
na di ka kasabay.
ika 24 ng Setyembre 2004
Warsaw, Poland
© Edgar Bacong