Ipikit mo ang iyong mga mata anak.
Humimlay ka sa matigas na sahig.
Pawiin mo ang mga bantulot,
Pabayaan mong liparin
mga agam-agam sa himpapawid.
Kukumutan kita ng telang manipis,
mabigyan man lamang ng konting lunas
pangangatal ng iyong mga ngipin.
Sasabayan ko ng yakap na mahigpit
nang ika'y makatulog nang ubod himbing.
Sana'y iyong patawarin
Amang hungkag at nagdarahop
Pinalaki ang iyong hubad na isipang
Walang natutunan dahil sa karalitaan.
Ininom nating malapot na tubig
tanging lunas upang mapatid ang gutom natin.
Bukas, kung sakali mang ito'y dumating
Sa langit na ang ating gising
© Rolly delos Santos