Halika't sisirin
ang aking mga mata
pagmasdan ang mga isdang
bahaghari sa pagitan
ng korales.
Hulihin ang bahaghari
isilid sa garapon
takpan, iuwi, itago
sa dilim ng makitid mong
silid.
Kay gandang pagmasdan
kulay ng liwanag
lalo na't bumabagyo
at hindi maaaring
pumalaot.
Matalim ang korales
mailap ang isda.
Hamunin ang sarili
masugatan man, o malunod
O amining hindi ka marunong
lumangoy.
© Victoria Kapauan-Gaerlan