"Protestors from all over Metro Manila represented all sectors: rich and poor, old and young. They gathered in the afternoon heat...to produce what must be the biggest anti-government rally ever held since 1969." WHO Magazine, October 5, 1983
Ngayon, Setyempre 21, ako'y nasa harap nitong simbahan
Ngayo'y hindi Linggo, hindi araw ng pagsamba—
Miyerkules pa lamang ngayon.
Dapat, ako ngayo'y nakaluklok sa aking upuan
Nagmumukmok sa isang sulok ng upisina
Pinagmamaktulan itong malungkot na kalagayan:
Ang tungkuling magsulat
Maghabi ng mga salitang hapis, maputlat't payat.
Ako ngayo'y naririto
Nagnanais makibilang, nakikiisa sa sanlaksa
Silang hindi pa pinagpapanawan ng gunita
Silang ayaw magpapiring
Tumatangging magpabusal ng bibig
Magpagapos sa takot
Magpapiit ng isip.
Tulad nila, nais kong ihagis ang aking poot
Sa mga naghaharing buktot.
Nais kong isabuhay ang pintig ng panahon ngayon
Itong panahon ng ating pagkamulat, pagbubukas-isip
Pagpapatibay-lakas, pagbibigkis-bisig.
Ngayo'y naririto ako
Minamalas ang pagdagsa ng mga pulutong
Iniluluwa ng mga daan at lagusan—
Larawan ng malayang alon.
Dama ko ang silakbo ng kanilang puso
Piglas ng kanilang tinig
Diwang nagpupuyos, nagngangalit-
Ang pulso ng bawat himaymay
Ng buo nilang buhay.
Animo'y isang moog
Matatag, walang alinlangan
Malaya, walang pangamba.
(1983)
© Loreta M. Medina |