|
ang butong pakwan
kapag ang pagngatngat nito'y sinimulan
parang damo, nakakaamo
kaya lang, kapiranggot
kaya walang laan sa sikmurang kumakalam
ang butong pakwan.
ang butong pakwan
nakakaaliw ngatain
lalo na't walang makabuluhang gawa
kutkot ng ngipin
laway mo'y dagat ng asin.
ang butong pakwan
ang pagkain nito, hindi pare-pareho
'yung iba, paisa-isa
ang iba nama'y iniipon pa
bago ibubuhos sa bunganga
mainam ang pangalawa
kung mabait ang kasama
hindi mahilig makaisa sa kapwa.
ang butong pakwan
masarap kung may kabalitaktakan
bawat kagat, pumapalatak
pagkaubos nito, di namamalayan
ang butong pakwan
higit na masarap
lalo na't ito'y dekwat.
aliwan, 'yan ang butong pakwan
pero, naku, ewan
sa panahon ngayon
pag di naglubay ang mga panginoon
sa pag-umit ng puhunang milyun-milyon
di maglalaon, butong pakwan
di na aliwan.
butong pakwan
ating agaha't hapunan.
(1978)
© Loreta M. Medina |