Parangal kay Karolina,
Hinahamon ang Tadhana
ni E. San Juan, Jr.
Pambihira ka
Matatag matingkad mabagsik ang luntiang apoy sa iyong mga mata
Habang dumadampi ang hamog ng umaga
Sa iyong pisnging hinog sa pangarap ng masamyong kinabukasan—
Nagliliyab ang iyong tapang, nakapapaso ang dingas ng iyong
determinasyon—
Nabighani sa sanghaya ng iyong dangal at sa panaginip
Nangahas ang kaluluwang lumantad madarang, nahimok ng kung
anong bagwis
Ng tukso sa bulong ng iyong labi’t galaw, dagling naligaw sa paglalakbay—
Walang sindak mong binaybay ang karimlang mapanganib
Namumukod sa madla, lumilikha ng landas tungo sa liwanag….
Kahit sumabog ang pulbura sa larangang binagtas ng iyong budhi,
wala kang takot
Hawak ang sulo ng katarungan, sumusugod ka—O mapusok na anghel
ng bukang-liwayway
Bumabangon sa iyong bisig at kamao ang masa mula
Sa kasawiang-palad upang bawat nilalang ay magkaroon ng pambihirang
katangian—
Upang maging pangkaraniwan ang iyong pambihirang giting at kariktan—
O Paraluman ng pag-asa’t pagnanais, sisikapin kong ipagbunyi ang dahas
ng iyong
kabayanihan
Ang bungang inihasik ng talim ng iyong pagpapasiya
Bagamat baliw akong nakasubsob sa hiwagang masalimuot,
pinagtalik ang kapalaran at tadhana,
Walang makapipigil sa iyo, matatag at mabagsik na luntiang apoy ng
himagsikan,
humahagibis ang katawan mong lumalagablab
yapos ang bulalakaw ng katwiran
at halimuyak ng kasarinlan.
© E. San Juan, Jr.
top | about the author