Bukas, May-nilad!
ni E. San Juan, Jr.
“By the rivers of Babylon, there we sat down, yea, we wept when we remembered Zion..."
---PSALM 137
Mula kay Ka Alegria, pasalubong ang cancion ng sosyalistang pakikibaka
sa Venezuela, kalugud-lugod na balitang ipinaabot mo bilang
balik-bayan—
Bagamat sinagkaan hinarang, patuloy ang agos ng Revolucion Bolivariano
sa lupang binusabos ng imperyalistang dayuhan unti-unting
bumabangon….
Sana’y magtagumpay ang mga makatarungan
Habang dito sa Babilonya kami’y nakadukwang sa ilog, naghihintay
tumatangis sa paggunita ng lupang tinubuan—kailan tutubusin?
Paano naming isasatinig ang awit ng Panginoon sa bayang ipinagtapunan?
Paano magdudulot ng tuwa sa pangungulila nang tangayin ng
estranghero?
Panalangin nating magtagumpay ang mga makatarungan
Nakaupo sa pampang ng ilog Babilonya, lumuluha tumataghoy
tangay ng agos kimkim ang alaala ng naiwang tahanan… bumabalik
sa panaginip ang lupang sinakop bansang nagkawatak-watak
di mapahinahon ang kaluluwa ng katawang hiniwa ng paghihiwalay….
Sikapin nating ipagtagumpay ang makatarungan
Mula sa gilid ng ilog Babilonya umiiyak kung magugunita ka
O lupang binihag! Yaong mga dumukot at gumahasa sa amin,
humihingi—ay
naku--
Pilit kaming pinapakanta subalit paano, Ka Alegria, di ko maubos maisip,
Paano aawitin ang cancion ng manunubos sa bayan ng mambubusabos?
Oo, walang salang magtatagumpay ang mga makatarungan!
© E. San Juan, Jr.
top | about the author