home
from the editor's laptop
welcome readerpoemsessaysshort storiesbookslinksarchivesindex to issuesOOV readersabout us / submitcurrent issue

 

Ipanalangin mo siya, Ipanalangin mo kami

ANG grupo ng mga mandarasal ay pumasok sa kanilang bakuran. Ang pagkakaingay at pagkukuwentuhan ng mga ito ay natigil nang mamataan siya. Isang matanda ang humiwalay at kumausap sa kanya. " 'Ala na s'ya. Nalagasan na naman kami."

Ang matandang Rosa. Kasama ng kanyang ina sa maraming pakikilibing at pakikirasal, pakikiramay sa mga namatayan. Humalik siya sa kamay nito.

" 'Ala nang mamumuno sa 'min. 'Buti't naturuan at natuto ang pinsan mong si Aning."

Binalingan niya ang pinsan. Nginitian siya ni Aning. "Sa tabi kita, Ate Linda," anyaya nito.

Matipid siyang ngumiti kasabay ang bahagyang iling. "Sige lang . . ." wika niya. Nag-aalala siyang nakalimutan na niya ang tamang panagot sa dasal sa patay.

Lumuhod si Aning sa harap ng naiilawang kabaong. Sunud-sunod ding lumuhod sa dakong likuran nito ang mga kasamahang mandarasal. Napatango siya. Talagang ganoon ang sistema. Ang namumuno ng dasal ay laging nakaungos sa iba, nasa unahan.

Namataan niya ang kanyang anak na nakaupo sa sopa, katabi ang matandang Rosa na hindi na kaya ng mga tuhod ang matagalang pagluhod. Tinabihan niya ang mga ito. Pinapagkilala. Pinapagmano ang anak. "Lola Rosa."

Tumikhim nang kung ilang ulit si Aning. Huminga nang malalim. Nag-antanda.

Ang tanda ng Santa Kurus . . .

Sama ka, Nene. Maraming
pagkain d'un
...
pang-aakit nitong
durugtungan pa,
hanggang gusto mo, basta,
matuto ka lang
na magdasal.

At natuto
naman siya.

Pumikit siya. Pinakinggan ang tinig ng kanyang pinsan na kung minsan ay waring naiiba, napapalitan ng isang tinig na kilalang-kilala niya, kinalakhang naririnig sa ganoong pamumuno sa pagdarasal sa mga namatayang ipinagsisiyam. Ang kanyang Nanay. Na sa panahon ng kanyang kamusmusan ay lagi siyang kinakayag sa mga lakad nito. Sama ka, Nene. Maraming pagkain d'un. Kalamay at puto. Saka goto, pang-aakit nitong durugtungan pa, hanggang gusto mo, basta, matuto ka lang na magdasal. At natuto naman siya.

 

Si Aning.

Maawaing Hesus ko, lingapin ng mahabagin Mong mata ang mga kaluluwa ng nangamatay na binyagan na ipinaghirap Mo't ikinamatay sa Kurus.

Kumibot ang kanyang mga labi.

Siya nawa.

At naisip niya, alam ko pa, Nanay.

Hesus ko, alang-alang sa masaganang dugong ipinawis Mo sa halamanang Iyong pinanalanginan sa Amang Diyos.

Kaawaan mo't patawarin ang kaluluwa ni Maria,

namaibabaw ang kanyang tinig sa magkakasabay na sagot ng mga mandarasal. May katiting na galak siyang nadama na hindi pa siya nakalilimot. Iyon man lamang, kasunod niyang naisip. At ang galak ay naging pait sa kanyang bibig.

Hesus ko, alang-alang sa tampal na tinanggap ng Iyong mukhang kagalang-galang. Kaawaan mo't patawarin ang kaluluwa ni Maria. (Maria.)

Tinig ng kanyang anak sa tangkang makisabay sa pagdarasal, na tanging pangalan lamang ng yumao ang kayang bigkasin. Maria. Kung saan nagmula ang ipinangalan niya rito. Saglit niya itong nilingap, nginitian nang magtama ang kanilang mga paningin. Muli, ibinalik niya ang mga mata sa kabaong sa harapan ng mga mandarasal. At sa kanyang isipan, Nanay, narito kami. Ng iyong apo. Si Maritess.

PUNUNG PUNO ng tao ang arrival area nang dumating sila sa airport ni Maritess. "Anak, look after our things. Don't let anybody take anything. And don't go with anyone. Hahanapin ko lang ang sundo natin, ha?"

Tumango si Maritess. Nakakaintindi ang kanyang anak ng tagalog, bagaman at hirap itong magsalita. Sa kanilang bahay sa States, tagalog ang usapan nilang mag-asawa. Sa mga bata'y magkahalong inglis at tagalog ang kanilang gamit maliban kung may kaharap na Amerikano na marapat lamang na sa wikang naiintindihan nito sila magsalita.

Inayos muna niya ang pagkakapatong ng dalawang malaking bitbiting bag sa ibabaw ng mga balik-bayan boxes at namumutok na maleta bago niya tinungo ang pintuang palabas sa lansangan. Nakatabi niya sa pagtayo sa may pintuan ang isa ring bagong dating. OCW marahil. Tingin niya'y bata pa, kasintanda lang siguro ni Maritess. Nakapantalon ito ng maong, nakapang-itaas nang hapit na tee shirt, nakabalabal ng jacket na leather. Lilingap-lingap. Katulad rin niyang may hinahanap. Nang sa pagtatama ng kanilang mga paningin ay ngumiti ito sa kanya. "Ang gulo ho dito sa 'tin. Daming tao. Di ko tuloy makita si Inay."

Saglit na napigil ang kanyang paghinga sa narinig. "Matagal ka na bang hindi nauuwi?" tanong niya.

"Naku, Ma'am, madalas. 'Gastos nga, ho. E, DH lang ako abroad. Yaya ng mga bata," patuloy ito sa paglilingap.

Tumango siya, ngunit hindi na sumagot. Nilisa ng kanyang mga mata ang mga naglisaw na tao sa ibayo ng lansangan. Nang muling magsalita ang kumausap sa kanya. "Okey nga ho iyong mga amo ko. Pag nagbabakasyon sila sa ibang lugar, na tapat sa bakasyon ko, isinasama ako, libre lahat, pero, siyempre, mas gusto kong dito na ho sa atin umuwi."

"May boyfriend ka siguro dito," biro niya habang patuloy sa paggala ang mga mata.

Natawa ang kanyang kausap. "Naku, Ma'am. Wala ho. Kaya ho ako umuuwing lagi ay dahil kay Inay. Matanda na kasi siya. Lampas sixty na. Mahirap na ho, di ba? "

Para siyang dinagukan sa dibdib. Kinagat niya ang kanyang labi. At naisip niya, para namang nananadya ang pagkakataon. Hindi niya ugali ang nakikipag-usap sa airport, at nang makipag-usap naman siya, sa dami ng paksang mapag-uusapan, doon pa sila nagawi... "Ang s'werte naman ng Inay mo," nahagilap niyang wika.

Napahalakhak ang kanyang kaharap. "Naku, Ma'am. Matutuwa ang Inay ko kapag ikinuwento ko 'yan. At kunwari, hindi ako paniniwalaan. Pero, h'wag kayo, ipagmamalaki na naman ako sa lahat ng kakilala."

Parang gusto niyang maiyak sa takbo ng kanilang usapan. Pinilit niyang ngumiti, saka tinapik sa bisig ang kausap.

Parang gusto niyang maiyak sa takbo ng kanilang usapan. Pinilit niyang ngumiti, saka tinapik sa bisig ang kausap. "Sabihin mo, totoo. Totoong maswerte siya," at kasabay ang tango, iniwan na niya ito.

Sa ibayo ng lansangan, sa pulutong ng mga sumasalubong ay may nagtilian. Janettt, ang sigawan. Anak! ang tawag ng isang namumukod na tinig.

Nakita niya, napalundag si Janet, ang kanyang iniwanang kausap.. Nanayyy! Sagot nitong pasigaw rin, tuwang-tuwa, sabay takbong patawid.

Hindi niya napigilan ang sarili, sinundan niya ng tanaw ang kasunod na tagpo. Sa nakita'y nanlabo ang kanyang mga mata sa luha, at kasabay na nadama ang muling pamumuno at pamimigat ng dibdib, ang pangingipot ng lalamunan. Mabilis niyang binawi ang tingin. Nasaan na ba sila, wika niya habang naglilingap. Gusto na niyang umiyak nang malakas. Ang haba ng kanilang biyahe ni Maritess mula sa America hanggang Pilipinas ay natagalan niya, ang dalang dalamhati ay napaglabanan, ngunit alam niya, malapit na siyang bumigay.

Na siya ngang nangyari nang magkita silang magkapatid. Napabulalas siya nang iyak. "Ateng..."

Niyakap siya ng kanyang Ateng, tinapik-tapik sa likod. Sa pagitan ng kanyang hagulhol, sumingit sa kanyang isipan ang larawan ni Janet. At ang nanay nito. Napalakas ang kanyang panaghoy. Shhh, tahan na, pag-along saway ng kanyang Ateng. At tumigil siya.

BAHAGYANG nasamid, saglit na tumikhim-tikhim si Aning. Samantala, pandalas ang paypay ng matandang Rosa. Ang kanilang kinauupuan ay hindi inaabot ng hangin ng bentilador.

Itinaboy ng tinig ni Aning ang mga gunita. Natuon ang kanyang kamalayan sa pagdarasal ng pinsan. Tamang-tama lamang ang hagod ng tinig nito, ang hinay o lakas nang pagbitiw ng bawat salita, ang tindi ng damdaming ipinapaloob sa pagbigkas. Marunong na si Aning, naisaloob niya. Kaunti pang panahon, kuhang-kuha na niya si Nanay. . .

Katamis-tamisan kong Hesus, na sa pagtubos Mo sa sangkatauhan, inibig Mong Ikaw ay ipanganak; nang ikawalong araw ay nabuhos ang mga unang patak ng mahal Mong dugo, pagsunod sa utos ni Moses; inari Kang hamak ng mga Hudio; ipinagkanulo Ka ni Hudas sa mga lilo sa isang halik sa mukha, ginapos Ka't dinala sa kamatayan na parang maamong Kordero; ipinaghatid-hatiran Ka sa apat na hukuman, pinaratangan Ka't pinatotohanan ng mga bulaang saksi; tinampal, pinagmurahanan, hinampas nang walang bilang; pinutungan Ka ng tinik, inaglahi Ka't hinalay sa harap ng sambayanan; ipinako Ka sa kurus, ipinaris Ka't ipinagitna sa dalawang magnanakaw; pinainom Ka ng suka at apdong mapait; inulos ng sibat ang tagiliran Mong mahal na binukalan ng dugo at tubig. Hanguin Mo Panginoon naming Diyos ang kaluluwa ni Maria...

Sa kanyang isipan, napalitan ang tinig ni Aning ng tinig ng kanyang Ateng. Nang nasa sasakyan sila pagkasundo sa kanya sa airport, ikinuwento nito ang nangyari sa kanilang ina.

BIGLANG-BIGLA ang nangyari, ganado sa pagkukuwento ang kanyang Ateng.. Walang sakit si Nanay. Ni hindi nirarayuma. At ang kanyang blood pressure, ayos naman. Wala ring diabetes. Malinaw pa'ng mga mata, hindi na yata nagbago ang grado ng salamin. Siya pa nga'ng bumabasa ng mga sulat mo sa kanya. Ang kanyang puso ay puso ng isang mag-o-otsenta singko anyos. Sabi nga ni Dr. Reyes, ay wala na tayong magagawa doon. Pero, sa kabila nang lahat, malakas pa siya at malusog para sa kanyang idad. Kaya, nagulat kami. Isang araw ay nagising na lamang siyang wala sa sarili. Hinahanap ang kanyang Inang, ang kanyang Tatang. Saka ang kanyang Kaka. At gustong umuwi sa kanilang bahay. Bakit daw siya naroon sa bahay na hindi naman niya kilala.

Umiyak nga'ng Kuyang mo nang ibinabalita sa akin. Alam mo naman 'yun, may pagkaiyakin, siya pa'ng lalaki, kaisa-isa pa mandin. Hindi na raw nakakakilala si Nanay. Sinino na raw silang isa-isa. Kuyang mo't Ate Nora. Mga anak nila.

Pati naman ako, nang sumugod akong umuwi, istranghero na rin sa kanyang mga mata. Kung anu-ano ang kanyang mga sinasabi. Kung sinu-sino ang kanyang mga hinahanap. At tinatawag. Nakakatawa kung minsan. Madalas pagkatuwaan ng mga bata. Pero, sa aking sarili, ako'y nahahambal. Hindi pa siya patay ay parang nawala na siya sa ating buhay. Itinawag ko ito sa 'yo, di ba? At matagal na hindi nagsalita ang kanyang kapatid. Wala rin siyang nasabi. Makaraan ang isang malalim na buntong-hininga, nagpatuloy sa pagkukuwento ang kanyang Ateng...

Hindi naglipat-linggo, biglang nagtutulog si Nanay. Kahit araw. Gigising lamang para magpunta sa banyo o kumain. Kalaunan, ayaw nang gumising. Kapag naalimpungatan at sinusubuan ng ice cream, di ba, gustung-gusto niya ng macapuno ice cream, aba'y iniluluwa ito. Nag-overseas call ulit ako sa iyo. Baka hindi mo na abutan nang buhay si Nanay, sabi ko. Malayo pa'ng schedule mong bakasyon, pero pipilitin mong mapaaga, ang sagot mo. Laking hinanakit ko nga sa iyo noon. Sabi ko sa sarili'y ano ba itong kapatid ko? Hindi na ba mahalaga si Nanay sa kanya? Bakit pipilitin pa?

PANGINOONG Mahal, tulungan Mo kami.

Sumasamo ang tinig ni Aning. At silang lahat.

Hesukristong Anak ng Diyos, magdalang-habag Ka sa amin.

ANG kanyang Ateng. Nito ngang a-sais ng buwan, alas dos ng hapon, iniwan na tayo ni Nanay. Pasalamat na lamang namin ay hindi siya naghirap. Para bang natulog lamang. Sayang nga lang at hindi na siya umabot sa kanyang kaarawan. Ilang buwan na lamang at otsenta'y singko na siya. Doon ka sana uuwi, di ba? Hindi ka na nahintay ni Nanay. Buti naman, pinayagan kang makauwi ng opisina n'yo. Sa libing man lang. At siyanga pala, first class ang kinuha naming serbisyo sa punerarya. Iyon ang gusto mo, di ba? Pinakamaganda para kay Nanay!

DIYOS Espiritu Santo . . .

mahinay na wika ni Aning.

Maawa Ka sa amin . . .

ang sagot nila.

Santa Trinidad na tatlong personas at Iisang Diyos . .

tinig ni Aning.

Maawa Ka sa amin . . .

sila.

PUMAPASOK pa lamang ng kabayanan ang kanilang sasakyan ay nag-iba na ang kanyang pakiramdam. Parang ayaw niyang dumating sa kanilang patutunguhan. Waring nais niyang ibalik ang kamay ng orasan. Kailan? Nang nasa airport pa ba sila? Hindi. Nang nasa eroplano pa o bago pa sumakay sa eroplano? Nang nasa States pa? Hindi. Nang tumelepono ba ang Ateng niya? Marahil. O isa, dalawa, o maraming-maraming taon pa bago sumapit ang araw at oras at mga sandaling iyon. Oo. Nais niyang ibalik ang panahon, ang isang buong buhay.

Kay talas ng kanyang pandama at kay linaw ng kanyang isipan, ngunit kinailangang tulungan siya sa pagbaba ng sasakyan, akayin sa paglakad, alalayan sa paghakbang, sapagkat tinakasan ng lakas ang kanyang mga tuhod. Nakatingin siya'y walang nakikita. Maliwanag ang buong bahay. Maraming tao'y walang mukha, kundi pawang mga mata lamang na matamang nakamasid sa kanya. Mga labing kumikibut-kibot, bumubulung-bulong. Na dinig na dinig naman niya ang sinasabi. 'Yan yung anak na galing ng Isteyt!

Niyakap siya ng kanyang Kuyang. "Wala na'ng Nanay," gumagaralgal ang tinig nito.

Sumubsob siya sa dibdib ng kanyang Kuyang, nilamukos nang mahigpit ng dalawang kamay ang damit nito. Hindi man n'ya ako hinintay. Uuwi naman akong talaga. . . taghoy niya. Hinagud-hagod lamang ng kanyang Kuyang ang kanyang likod.

IPANALANGIN mo siya . . .

namumukod-tangi ang tinig ng matandang Rosa. Ang kanyang pinsang si Aning,

Salamin ng Katuwiran . . .

At sila.

Ipanalangin mo siya.

Luklukan ng Karunungan.

Ipanalangin mo siya.

Bukal ng Kaligayahan.

Ipanalangin mo siya.

'Merkanong-merkano na'ng mga anak mo, Nene.

KAILAN ba sila huling nagkita ni Nanay? Kailan ba siya umuwi? Hindi nahalos niya matandaan. Marahil, mahigit nang sampung taon ang nakalilipas. Iyon ang una at huli niyang pag-uwi. Nagreklamo na nga si Nanay. Hindi na raw sila kilala ng mga apo. At hindi na sila magkaintindihan. 'Merkanong-merkano na'ng mga anak mo, Nene. Islang na islang magsalita, di ko maintindihan.

Ang tawa lang niya. Talagang ganu'n, Nanay, sabi niya. Doon na sila lumaki.

Puna pa ni Nanay, ba't ayaw kumain ng kanin. Di ba kayo kumakain ng kanin du'n?

'Sus naman, kumakain siyempre. May sumpong lang ang mga iyan. E, isda? Ba't parang bahung-baho sa isda?

Napabuntung-hininga siya. Talaga hong ayaw nila ng amoy ng daing at tuyo.

Noon nakisagot si Tatay. Buhay pa ito noon. Hindi na sila Pilipino! Tandang-tanda niya, isinama ng kanyang loob ang sinabi ng ama.

TORE ni David . . .

Ipanalangin mo siya . . .

Bahay na Ginto . . .

Ipanalangin mo siya . . .

HINDI niya alam kung paano tatawagin ang una't huling pag-uwi nila noon. Disaster. Isang malaking pagkakamali. Akala niya'y matutuwa ang kanyang mga magulang at kapatid sa kanyang pamilya. Amerkanong-amerkano raw. Na natural lamang, sapagkat iyon ang siyang kinalakhan.

Masama ang loob ni Nanay dahil ayaw kainin ng mga bata ang niluto nitong pagkain. Nagtampo si Tatay dahil ayaw humalik sa pisngi nito si Maritess. Na napilitan lamang nang pandilatan niya ng mata. Na sa pag-iisa nilang mag-iina ay nanggigigil niyang sinita. Bakit ayaw mong halikan si Tatay? Because he smells funny, umiiyak namang pangangatwiran nito. Amoy winter green kasi si Tatay.

At minsan, sa isa nilang pamamasyal, naireklamo niya, ang trapik, ang alikabok. Ang init, dagdag pa ng kanyang asawa. Na wala naman silang ibig sabihin. Hindi naman nila ikinukumpara ang Pilipinas sa States, pero, hindi nakawala sa kanyang paningin ang namagitang pagtitinginan ng kanyang Ateng at bayaw, na itinirik pa mandin ang mga mata.

Ngunit higit sa lahat, nanibago ang mga ito sa kanya. Ang bunsong si Erlinda. Ang Nene ng pamilya, na dati'y napakahinay kumilos, lahat ay iniuutos, ipinaaabot, ngayon ay parang ipu-ipo sa bilis, nakikipag-usap ay tuloy ang mga kamay sa pagtatrabaho. Ay, Nanay, talagang ganoon sa States. Mahalaga ang oras. Masarap nga ang buhay n'yo rito nina Ateng, paupo-upo lang. Relaks na relaks. Kami roon ay panay ang kayod. Talos niya, ang kanyang sinabi ay may kasamang parunggit sa ibang kaharap. Dahil batid niya, nagkaroon ng culture shock ang mga dumating at ang mga dinatnan. Matagal bago niya naunawaan ang kanyang naging damdamin sa pag-uwing iyon.

TALANG maliwanag . . .

Ipanalangin mo siya . . .

Mapagpagaling sa mga may sakit . . .

Ipanalangin mo siya . . .

NANG makabalik sila sa States, tumanggap siya ng sulat mula sa kanyang Ateng. Nagdaramdan ang matatanda, kuwento nito. Pakiramdam raw nila, nawalan na sila ng apo ay nawalan pa sila ng anak. Malayung-malayo raw ang loob ng mga anak mo sa kanila. Paliwanag ko nama'y natural lang iyon dahil lumaki ang mga itong hindi sila kasama. Ipagpalagay na nga raw na ganoon, pero dapat raw na turuan mo ang mga bata. Itanim sa kanilang isipan na Pilipino rin sila. Salita ni Tatay iyon. Na maraming magagandang kaugalian ang mga Pilipino na hindi dapat kalimutan. O ikahiya.

Isa pa, ikaw raw naman ay tila ibang-iba na. Sabi pa ni Nanay, bakit daw parang lagi kang nagmamadali sa pakikipag-usap, hindi mo na mahintay ang dulo ng kanilang sasabihin o sinasabi, sumasagot ka na't nangangatwiran. Na parang inip na inip ka sa madalang at paliguy-ligoy nilang pagsasalita. Sabi ko nama'y nasanay na lamang kayo sa mabilis na pagkilos, matuling pag-iisip, tuluy-tuloy na pagsasalita, dahil ganyan sa States. Saka, parang ang tapang mo raw ngayon. Parang hindi mahapayang-gatang. Dati nama'y malumanay ka't mapagkumbaba. A, Nanay, sabi ko. Hindi maaaring malumanay at mapagkumbaba ang isang Pilipino o sino pa mang immigrant sa pakikisalamuha sa mga Amerikano. Kung magkagayon ay titirisin ka't tatapakan. Sagot naman ni Tatay, di ba raw mabait naman ang mga Amerkano? Ang alaala nila'y nakapako sa panahon ni MacArthur. Sabi ko nama'y may mabait, may salbahe.. Pareho rin ng mga Pilipino. Ang totoo'y maraming hindi alam ang matatanda sa kalagayan ng relasyong Pilipino at Amerkano. Na unti-unti nang nadarama ng marami dito sa atin ngayon. Mayro'n nang awareness, lalo na sa mga kabataan, na noong panahon natin ay wala. Na dahil naman sa inyong kalagayang immigrant sa ngayon, na kalauna'y magiging US citizen, na sa oathtaking ay magpapahayag ng pagtalikod sa lupang tinubuan, hindi na ninyo bibigyang-pansin o halaga. Dahil, parang Amerikano na rin kayo.

Nainis siya sa kanyang Ateng dahil sa sulat nito. Pakiramdam ba niya'y kinukutya siya sa pagiging immigrant. Parang gustong palabasing maka-Pilipino silang naiwan at silang umalis ay hindi. Hindi ba karaniwan namang economic ang dahilan ng mga nagsialis sa bansa? At ipagpalagay na ngang bawas ang pagka-Pilipino nila, ano naman ang tawag sa mga naiwanang ang katapusan ng bawat sulat ay may habilin. Huwag mong kalilimutan iyong cassette player na pangako mo sa inaanak mo. Sira na'ng mantel ko sa dining table, gusto ko'y lace, good for eight. Naisip tuloy niya, matatagalan siguro bago siya muling umuwi.

HARI ng mga angeles . . .

Ipanalangin mo siya . . .

Hari ng mga propetas . . .

Ipanalangin mo siya . . .

Hari ng mga apostoles . . .

Ipanalangin mo siya . . .

TUMAWAG ang kanyang Ateng, overseas, collect. Malubha si Tatay. Nataranta siya. Kalilipat lamang niya ng opisinang pinapasukan. At noon nagbabawas ng empleyado ang opisinang pinagtatrabahuhan ng kanyang asawa. Paano, hindi ako makauuwi, sabi niya. Sagot ni Ateng, paano kung may mangyari. Ipinaliwanag niya ang kanilang situwasyong mag-asawa. Sana'y maintindihan ninyo kami. Naiintindihan kita, kailangang maging praktikal, ayon nito. Paano, ang dugtong pa. Na ang ibig sabihin ay maliwanag pa sa sikat ng araw. Sige, sabi niya, magpapadala ako ng dollar. At malaking halaga ang kanyang ipinadala. Sapagkat, marahil, guilty siya.

Nang mamatay si Tatay, noon niya ikinuwento sa mga anak ang kaibahan ng mga Pilipino at Amerikano. Here, we have our viewing time, and when the time's up, we go home and leave our dead behind. In the Philippines...at ikinuwento niya kung paano paglamayan ang mga patay, ang pakikiramay ng mga kamag-anak at kaibigan, ang tatlong gabi at pagsisiyam, ang abuluyan ng makakayanan, ang apatnapung araw at ibis-luksa. It must be very tiring, komentaryo ni Maritess. Yes, ayon niya. But, it's also very comforting. Hindi na lamang niya idinugtong, and for most relatives, lots of fun,too. Di nga ba karaniwan nang nagmimistulang reyunyon ang mga lamay sa patay? Ngunit hindi ito maiintindihan ng kanyang mga anak. Tanging mga Pilipino lamang ang makaiintindi ng kalakarang ito. Saka niya naisip, di ba Pilipino naman ang kanyang mga anak? Noon niya iniyakan nang husto si Tatay. Na nagsabing hindi na Pilipino ang mga anak niya.

HARI ng mga Birhenes . . .

Ipanalangin mo siya . . .

Bigla niyang naisip, bakit si Nanay lang ang ipinapanalangin? Di kaya, higit sigurong marapat na silang naiwan—siya, ang kanyang mga kapatid—ay dapat ding ipagdasal?

Saka, tigas ngang pagmamalaki ni Nanay na may anak siya sa States...

SA kanyang Kuyang niya nalaman na sumama ang loob ni Nanay sa hindi niya pag-uwi nang mamatay si Tatay. Sumulat agad siya, di ba ipinaliwanag ni Ateng kung bakit? Tumawag agad si Ateng sa kanya, collect. Totoong di niya sinabi kay Nanay dahil ayaw niya itong mag-alala sa kalagayan nilang mag-asawa. Isang bago sa trabaho at isang baka mawalan ng trabaho. Ang sabi pa ni Ateng, matanda na si Nanay. Hindi na dapat pang mag-intindi ng problema ng mga anak. Saka, tigas ngang pagmamalaki ni Nanay na may anak siya sa States, dagdag pa. Dollar ang kinikita. At naunawaan niya ang kanyang Ateng. Na anuman ang damdamin ni Nanay sa kanya, nakapedestal pa rin siya rito. At ipinangako niya sa sarili, hindi niya bibiguin si Nanay.

Mula noon, hindi na siya pumalya sa pagpapadala ng buwanang allowance. Na lumaki pang lalo nang mapabuti ang kanyang pusisyon sa nilipatang opisina. Swerte pang hindi rin nabawas ang kanyang asawa sa trabaho.

Hindi rin siya nakalimot sa pagpapadala ng mga card. Mother's Day card. Birthday card. Christmas card. Valentine. Easter. At mga larawan nilang mag-aanak sa kanilang bahay at sa pamamasyal sa iba't ibang state, sa iba't ibang panahon, sa iba't ibang background: Lincoln Memorial, George Washington Mansion, Twin Towers, Statue of Liberty, Golden Gate Bridge, ang mga bata sa Enchanted Forest, sa Hershey Park, sa mga dinaluhang birthday parties, Thanksgiving, Halloween, sa paglalaro sa snow, sa pangingisda... A, wala na silang masasabi, wika niya sa sarili. Nagagampanan niya ang kanyang tungkulin sa abot ng kanyang kaya.

Sulat ng kanyang Kuyang, tuwang-tuwa si Nanay, bukambibig ang mga apo niyang taga-Isteyt, tunay kayong ipinagmamalaki. E, kailan ka raw uuwi? Kailan ka dadalaw? Sagot niya, kailangang iplano ang lahat. Samantala, dama na niya ang sarap at ginhawa ng isang tagumpay na immigrant sa States.

HARI ng Kasantu-santuhang Rosario . . .

mandi'y humihibik si Aning.

Patawarin mo kami, Panginoon namin . . .

sa isip lamang siya nakasagot, walang tinig na lumabas sa kanyang bibig.

Kordero ng Diyos na pumapawi ng kasalanan sa sangkatauhan . . .

Kaawaan Mo kami, Panginoon namin . . .

OTSENTA na si Nanay, sulat ng kanyang Ateng. Wala ka bang balak umuwi?

Bagong bili kami ng bahay. Malaki rin ang nagasta namin sa downpayment, sagot niya. Nakuwenta na niya, kailangan niya ng perang pambili ng pasalubong at malaki-laking pam-pocket money. Nang huli siyang umuwi, nahingan pa siya ng bola ng basketball ng mga kabataan sa kanilang pook. Donasyon sa kung anu-ano. Nag-anak pa nang kung makailan sa binyag. At ang nakatatawa, sa despedida sa kanilang mag-anak, siya ang nagbayad ng litson. Ganoon ang kalakaran. Hindi naman siya nagrereklamo, kaya lang...

Kaya, sinabi niya sa kanyang Ateng, itanong mo na lang kay Nanay kung ano ang gustong regalo. Ang sagot ay itinawag sa telepono. Color TV raw. Noon ay bihira pa ang may telebisyong de kolor sa kanilang lugar. At sa isang nagbalik-bayang kaibigan, ipinakidala niya ito.

Hindi roon natapos ang kanyang pagpapadala. Sa bawat umuwing kaibigan o kakilala, may padala siya sa kanyang nanay: sulat na may kalakip na one hundred dollars, ang paborito nitong Kisses na tsokolate, pinakamalaking bote ng Sanka coffee, pabangong Tigress, pinakamakapal na chocolate bar, pinakamaganda at pinakamalapad na tuwalya. Bukod pa ang balik-bayan boxes bago sumapit ang Pasko. Hindi man siya nauuwi sa Pilipinas, hindi naman siya nagkukulang, patuloy niyang pagmamalaki sa sarili.

Nang mag-otsentay uno si Nanay ay hindi rin siya nakauwi. Hindi na niya maalala kung ano ang kanyang dahilan. Pero, kung ano ang kanyang regalo ay tandang-tanda pa niya. Isang VHS. Iyon daw ang gusto ni Nanay. Kaya iyon ang kanyang ibinigay.

Hindi rin siya umuwi nang sumunod nitong kaarawan. Lalong hindi niya malilimutan ang regalo niya kay Nanay noon. Isang Karaoke. Sa loob-loob lamang niya, kailan pa kaya natutong kumanta si Nanay? Pero, iyon daw ang gusto, e, di sige...

Bago pa dumating ang kasunod na kaarawan ni Nanay ay kinausap na niya ang kanyang Ateng. Pagsapit ng otsentay singko ni Nanay, uuwi silang lahat na mag-aanak, pangako niya. At ipaghahanda niya ito nang en grande, lahat ng gastos ay kanya. Sagot ng kanyang Ateng, ikaw ang bahala.

Samantala, sabik na rin sa pag-uwi ang kanyang mga anak. Malalaki na ang mga ito. Na sa abot ng kanyang makakaya, sa gitna ng magkaibang kultura at nagbabagong kalakaran ng panahon, ay naturuan niya ng ilang kaugaliang Pilipino. Tulad nang pagmamano at pagsagot ng may po at opo sa mga matatandang Pilipino. Madali na ngang kausapin ang mga ito. Kahit bahagya ay masasabing mayroon nang unawa sa kanilang pagka-Pilipino, sa kanilang pagiging Amerikano. Let's have the best of both worlds, ang lagi niyang sinasabi. Ang ikinalulungkot lamang niya ay hindi na ito nakita, hindi na nalaman ni Tatay. Konsolasyon niya'y babawi na lang siya kay Nanay.

IPANALANGIN mo kami, Santang Ina ng Diyos . . .

sabay-sabay ang lahat.

Ipanalangin mo kami, ulit ng kanyang isip. At nadama niya, noon lamang nagkaroon ng katuturan ang kaniyang pagdarasal. Ipanalangin mo kami, ang bawat kataga'y kanyang pinaikut-ikot, paulit-ulit na pinatimo sa kanyang utak. Ipanalangin mo kami.

NAGKAUSAP sila ni Nanay sa telepono. Pinapunta niya sa bahay ng kanyang Ateng kung saan may telepono. Hiniling niyang makausap ito. Paulit-ulit niyang tinanong. Nanay, ano'ng gusto mong pasalubong ko sa iyo pag-uwi ko? Ha, Nanay?

Sagot ni Nanay, wala, anak. Marami ka nang na'padala sa akin.

Talaga? Wala na?

Oo, anak. Salamat na lang.

O, sige... dollar na lang ang ibibigay ko sa 'yo. Gusto mo? sabi naman niya.

Tumawa lamang si Nanay, iyong mahinay nitong tawa, saka isinunod, kahit wala.

Kahit wala? Bakit kahit wala? ulit niyang naguguluhan.

Kay tagal bago dumating ang sagot. Akala niya'y naputol ang linya. Isa lang naman ang gusto ko. Nu'n pa.

O, ano? Sige, sabihin mo, Nanay. Ibibigay ko sa'yo. Ano? usisa naman niya.

Narinig niya, suminghot si Nanay. Nagsimulang humikbi. At nagulumihanan siya. Nanay! nababahala niyang wika.

Sa paputol-putol na pagsasalita, kay lumay ngunit umiiwa, ang wika ni Nanay. Ikaw lang, Nene, anak. Ikaw lang ang gusto kong makita. Nu'n pa. Nuong-nuon pa... Ang tagal na, anak... ang tagal na...

Akala niya,
may panahon pa.
Kung paanong
akala niya,
na sapat na ang
kanyang ginagawa...

Napipi siya. Wala nang naisagot. At doon natapos ang kanilang pag-uusap. Ngunit hindi pa rin siya umuwi. Sanay siyang nagpaplano, at lahat ng kilos niya, mula nang matira siya sa Amerika ay nakaplanong lahat. Nasa oras. Kung hindi, maiiwan siya ng bus. O tren. Kung anuman ang inantig na damdamin sa kanya nang pag-uusap nila ng kanyang Nanay ay dinaan na lamang niya sa pagpapadalang muli ng balik-bayan box. Akala niya, may panahon pa. Kung paanong akala niya, na sapat na ang kanyang ginagawa o tama ang pamamaraan nang kanyang pagpapadama ng pagmamahal niya rito.

AMING itinatagubilin sa Iyo, Panginoon naming Diyos, ang kaluluwa ng iyong alipin na si Maria, sapagkat siya'y namatay na dito sa ibabaw ng lupa. Igawad na ang awa Mong walang hanggan sa mga nagawa niyang kasalanan . . . Siya Nawa . . .

may kasabay pang buntong-hininga ang siyanawa ng matandang Rosa. Sabay-sabay na nagsitayo ang mga mandarasal. At sa biglang ugong ng kuwentuhan, namayani ang tinig ng kanyang Ateng. "O, miryenda muna kayo. Magagalit si Nanay pag di kayo kumain. Mumultuhin kayo, hala! Saka, handa iyan ni Erlinda para kay Nanay..."

Kiming tinanguhan siya ng mga mandarasal bago hugos na nagtungo sa may komedor. Nagkatinginan silang mag-ina. Nginitian siya ni Maritess. Hinawakan ang kanyang kamay. Pinisil-pisil ang kanyang palad. Ang luhang nagsisimulang gumiti sa kanyang mga mata ay napigil.

Bigla, naalala niya si Janet. Ang domestic helper na nakausap niya sa airport.

Saka ang Inay nito na inaamin niya nang buong pagpa-pakumbaba, na higit na mapalad kaysa kanyang sariling ina.

At kanyang naisip nang may pagpapasalamat, na kahit paano, sa mga sandaling iyon, ay may isang inang maligaya sa piling ng kanyang mapagmahal na anak.

© Evelyn Estrella Sebastian

back to toptop | about the author



powered by
FreeFind

 

Winter
by Ruth Sarreal

Soap
by Eusebio L. Koh

Ipanalangin Mo Siya, Ipanalangin Mo Kami
by Evelyn Estrella Sebastian

They Who Draw Out Our Caring
by N.G. Ray
  short stories | poems | essays
from the editor's laptop | welcome reader
books | links | archives | index to issues | readers
about us | current issue