home
from the editor's laptop
welcome readerpoemsessaysshort storiesplaysbibliographybookslinksarchivesindex to issuesOOV readersabout us / submitcurrent issue

 

"Mas Vale Un Pajaro En Mano"

"Mas vale un pajaro en mano," huling bilin at habilin ni Inana, "que cien volando."

Ibon din s'yang agad lilipad at pagdaka'y dadapo sa aking ulo ang mga makaranasang kamay, maysa-letratistang ititingala ang aking mukha na parang kamerang inaantok-antok, at sabay tutukuran ng magaspang n'yang hintuturo ang baba kong nasanay na yata sa kadadantay sa 'king lalamunan.

"Ibang klase ang lahi mo," lagi niyang pabaon, "kaya huwag na huwag kang patatalo."

"Pakatandaan mong hindi ka biik," dagdag pa niya, "para ka ikahiya mo ang tatay at nanay mong wala iba kundi pawang mga mapagpakumbabang baboy."

"E." tuloy ang naging paborito kong letra, o salita, pag kaharap s'ya.

"Ibang klase ang lahi mo," lagi niyang pabaon, "kaya huwag na huwag kang patatalo."

"Opo, Inana."

Buong barangay halos ang naghatid sa 'kin sa pier, pero parang kami lamang ni Inana ang naroroon.

Luma na ang ganitong pakiramdam.

Itong-ito rin ang naramdaman ko nang maging iskolar ako nun sa Jaena High: naghahanap ng kung anong di ko naman naiwala.

Wala pa sa bokabularyo ko rati ang deja vu.

Ewan ko ba kung bakit ngayon mas matindi ang hangad kong bumalik.

Kung kailan pa ako aalis.

Ilang oras na lang lilipad na ako pa-Spain.

Neokolonyalismo raw 'to.

"Dati-rati tayo pa ang sinasakop ng mga Kastila, Amerikano, Hapon, at Intsik," sumbat ng s'yota kong si Jackie, "ngayon, tayo na ang pumupunta sa kanilang pinanggalingan."

Nagkibit ako ng balikat.

Kung inuna n'ya ang sisi noong nagdadalawang-isip ako sa desisyon kong ito, disin sana wala akong dagdag na bagahe sa alaala.

Nakaka-30 balik na rin ako sa kubeta.

Nag-Agua de Mayo naman pero kanina pa ako tila nakabilad sa araw-Marso.

Kung sa bagay, naging patron na rin natin si El Niño.

...nais kong singhutin paloob lahat ng alimuom na namumuo sa pagkukulong sa 'kin na lagi't laging ipinagtatanggol.

Gusto kong panguin muli ang aking ilong sa mga salaming hinahampas-hampas ng urong-sulong na hangin, ibig kong amuyin ang labas na basang-basa sa parusa ng maramdaming panahon, nais kong singhutin paloob lahat ng alimuom na namumuo sa pagkukulong sa 'kin na lagi't laging ipinagtatanggol.

Pangarap ko namang magligtas.

Hayun, ang napupunit na yerong naipit sa bigat ng gomang nasa bubong!

Teka, pa'no na kaya ang pamilyang nasa ilalim pa nito?

Kahit kailan ang mga dapithapong ganito ang kinasusuklaman ko.

Mula pa nung nasa elementarya ako, natutuhan ko nang kamuhian ang paglagay sa alanganin, na mas madalas kaysa hindi, pinatitingkad ng araw-araw na agawdilim.

Nariyang pauwiin ako habang kainitan ng mga maghapon naming panay chinese garter at spanish bread, o papaghapunanin samantalang nasa kalagitnaan ng Voltes V , o patulugin kahit hindi naman nakagigising sa kapitbahay ang magbilang ng bituin sa shorts ng poster ni Rocky.

Sa k'warto ko, sa k'wartel ko.

Normal ba 'to?

Para sa 'kin, mortal na kasalanan ang pigilin, o pigilan, ako sa 'king pananaginip.

Gising man o hindi.

Ang sinumang magkasala sa 'kin dati ang dapat ituring na abnormal.

Silang sala sa init, sala sa lamig.

Alam kong ganoon ko sila dapat ilarawan.

Alam na alam kong kailangan silang lagyan ng tatak na may "PAKIALAM" o basta abutan ng isang karaniwang pugad at hayaang mabaliw sa pag-iisip sa anumang ibig sabihin ng bagay na 'yon.

Pag walang laman.

Sa takot kong baka ganito o ganoon ang gawin o sabihin nila sa 'kin, wala na lang akong ginawa o sinabi.

Hanggang ngayon.

Si Inana lang yata, bukod sa 'king silid, ang nakakaunawa ng aking katahimikan.

Kanina, kahit s'ya ang salita nang salita, sigurado akong nakikinig s'ya sa akin.

Kaya nang tinanaw ko ang mga barong-barong sa likod ng mga pader na pinapinturahan ng puti ng gobyerno, di na rin s'ya umimik.

Kaya nang tinanaw ko ang mga barong-barong sa likod ng mga pader na pinapinturahan ng puti ng gobyerno, di na rin s'ya umimik.

Kahit umaalog-alog na rin ang kanyang baba sa tutok ng pangangatal ng bentilador, pinawisan din s'ya nang malapot.

Tulad ko.

Ganun makisama ang lola ko.

Este, ang lola ng buong Barangay Ginebra!

Oo, awayin mo na ang lahat ng pinakahalang na kaluluwa sa mundo, huwag na huwag na huwag lamang si Big J, kundi.

Ayoko nang maranasan ng sinumang may pangarap pa sa buhay ang nangyari kay Bruce na walang kamuwang-muwang na nakasakit ng damdamin ni Inana.

"Ang hirap kay Jawo," pakli minsan ni Bruce, ".pikon."

Kitang-kita ko nang inabot ng plantsang de-uling ang pagitan ng mga mata ng binatang maka-Crispa.

Ihinagis 'to sa kanya ni Inanang di magkandaugaga nun sa pag-uunat ng Jazzie kong binili ko sa unang s'weldo.

Mas mabilis 'tong nangyari kaysa pagpapaalala kong usong-uso nung Dekada '70 ang gusot.

Mula nun hindi ko na nakita ni anino ng pinaso na at pinaputok pang ulo ni Bruce.

Mula nun wala na akong narinig na maganda ukol sa mga Tsinong gaya nga ng kritiko ng mga maka-Toyota.

Kesyo, ayon kay Inana, ang mga Floro ay amoy-beho.

"Sila," dagdag pa niya, "ang mga lihim na kolonisador na kahit di humahalo sa politika o relihiyon natin ay humahawak pa rin sa leeg natin dahil sila ang humohokus-pokus sa ating ekonomiya."

"Masama po bang maging maagap, masipag," hirit ko, "at matipid?"

"Ang sabihin mo'y." naging magkasinlaki ang mga mata niya at labi sa pagsasabing, "mahilig kumita ang mga singkit na iyan!"

"Hindi po ba tayo rin?" patutsada ko, "ang ipinagkaiba lang natin ay ang pagiging ubos-ubos-biyaya. Kaya tayo nakatunganga pagkatapos nating mabutas ang bulsa sa pagiging bulang-gugo. Samantalang ang mga Intsik na bayong-bayong ang idinedepositong pera sa bangko ang mas madali mong mapapagkamalang holdaper kaysa katabi nilang mamera lamang ang laman ng libreta."

"Bakit ba ganoon na lamang ang paghalik mo sa pundiyo ng mga magtatahong iyan, hane?" usisa ng matanda.

"...kung susundin natin ang espiritu ng kapatiran nila, lalo na kung ang pagpapautang sa kadugo nilang nasunugan o nalugi sa negosyo, siguro mabubura na rin sa atin ang pagiging talangka natin."

"Di naman po, Inana, ang sa akin lang naman po e pagtutuwid lamang. Alam ko naman pong may madadaya ring Tsinoy, paris natin. Kaya lang, kung susundin natin ang espiritu ng kapatiran nila, lalo na kung ang pagpapautang sa kadugo nilang nasunugan o nalugi sa negosyo, siguro mabubura na rin sa atin ang pagiging talangka natin."

"Hindi yaon ang ikinababaltik ko. Para sa akin, ang ugat ng ating kahirapan ay kurakot. At kasaysayan ang saksi sa mga taga-Parian na naging puno't dulo ng problema. Bakit, wika mo? Pagkat sila ang mahilig magpaulan ng pagkain, seda at alahas, para sa mga opisyal na naghihigpit sa kanilang pangangalakal, bago pa man tayo maging parokyano ng Kristiyanismo."

"Ang Inana naman! Si Bruce po ba ganun?"

"Hindi ba? Kaya ko lang naman pinatuloy iyang damuhong iyan ay dahil sa kanyang suhol. Hintay ka. Papaano nga ba niya natantong mahilig akong uminom ng dugo ng kobra?"

"E."

"Mantakin mo ba namang dalhan ako ng galon-galon. Aba, halos malunod na ako sa utang na loob. Nangangamba lang ako pag humiling siya ng kapalit. Diyaske, hiningi na ba niya ang mga kamay mo?"

"Po?"

"O, bakit para kang nakakita ng multo?"

"Ibig sabihin. naiintindihan n'yo ang aming sikreto."

"Ano pa."

"Kaya lang po."

"Kayo na ni Jackie, ganoon ba?"

"Si Inana naman."

"Ano bang mayroon ang mga Pintsik.?"

"Tsinoy po."

"Mapa-Pintsik o mapa-Tsinoy man. Ang hindi ko lamang maunawaan ay mistulang magaan ang loob mo sa kanila."

"Nagkataon lang po siguro."

"Nagkataon ba iyang."

"Kasi po parang pareho kami ng pinagdaanan."

"Kailan pa?"

"...Suspisyon at deskriminasyon. Deskriminasyon at suspisyon. Noong 1593, ayon sa Ming Ship, isang nagngangalang Don Luis ang nagpagiba ng mga kubo ng kung tawagin noon ay Sangley..."

"Mula pa po nung napag-aralan namin ang sinapit rito ng kanilang mga ninuno. Suspisyon at deskriminasyon. Deskriminasyon at suspisyon. Noong 1593, ayon sa Ming Ship, isang nagngangalang Don Luis ang nagpagiba ng mga kubo ng kung tawagin noon ay Sangley. Pinagbawalan silang pumunta sa mga lugar na kagaya ng Maynila, Cagayan, at Cebu. Pinapayagan lang silang manahan sa kung saan maibigan ng mga Kastila. Di puede sa kanila ang makita sa umaga, ilegal ang matulog sa gabi sa mga kumbento o kung kani-kaninong bahay na bato."

"Sapagkat si Don Luis ay anak ni Don Gomez na ang bungo ay napabalitang tinaga ng espada sa dalawa ni P'an Ho-wu at ng daan-daang taga-Tsinang tagapagsagwan ng isang barko ng nasabing gobernador."

"Pero pinangakuan po silang babayaran ng P2 kada buwan. Tratratuhin nang mabuti. Malaya raw po silang makakagala. At nang mabilog na ang kanilang mga ulo, dun lumabas ang tunay. Kabaliktaran ang lahat ng pinag-usapan sa umpisa. Nasa gitna na raw po sila ng laot nang malaman nilang gagamitin sila sa pagsakop ng Moluccas."

"Makatarungan din bang itakas nila ang barko patungong Tonkin sa halip na sa Canton? O tangayin ang P12,000 na suweldo ng mga sundalo? Pati ang dalawang malalaking armas at ang pinilakang plato ng gobernador?"

"Dala kasi na rin po 'yun ng kanilang galit."

"Umiral na naman ang pagkamaka-Machiavelli mo."

"Di naman po."

"Kung sa bagay, nag-iiba rin ako kapag sinapian ng ngalit."

"At alam ko pong alam na alam na alam po 'yan ni Bruce."

"Kumusta na nga ba ang kumag?"

"Di na po kami nagkikita e."

"Hindi man lamang ba siya tumatawag?"

"Nung bagong taon, bagong taon po nila, nang huli ko s'yang narinig sa telepono."

"Ano naman ang balita sa kanyang Taon ng Dragon?"

"S'werte raw po siya. Pagpasok pa lang ng Enero, natanggap din s'yang kanang-kamay ng isang industrialist."

"Si Lucio Tan?

"E. Ewan ko po."

"Henry Sy?"

"..Biglang naging tuwang-tuwa siya sa mataas na kitang per capita. Ipinaglalaban na n'ya ngayon ang pagiging industriyalisado ng ating bansa..."

"Basta ang pagkakaalam ko lang po nag-iba s'ya. Biglang naging tuwang-tuwa siya sa mataas na kitang per capita. Ipinaglalaban na n'ya ngayon ang pagiging industriyalisado ng ating bansa. At saka, naniniwala na raw po s'ya na ang ating ekonomiya ang susunod na tigre ng Asya."

"Bakit? Ano ba ang tinapos ng batang yaon?"

"E. Economics po. Tapos itinuloy n'ya sa Accounting."

"Doble?"

"Opo. Kasi sinamantala lang po n'ya 'yung scholarship na nakukuha n'ya sa pagiging kasapi ng d'yaryo sa DLSU."

"Aba, mahusay bang sumulat ang singkit na 'yon?"

"Aba, opo. S'ya po ang editor ng La Sallian nung binato n'yo s'ya ng."

"Tingnan mo nga naman, ano?"

"Ang totoo po, gumawa pa siya ng tula tungkol dun na lumabas sa Malate."

"Ha?"

"May linya nga po s'yang: Kabayan, ano at binuhusan mo ako ng kumukulong yelo? / Ibig mo akong maging sinlamig ng espadang Kastila at balang Amerikano? / Ngayon, katal na katal akong parang isang mandirigmang bushido. / Susunugin mo ba naman ako sa impiyerno mong antartiko?"

"Ano, wika mo?"

"Ewan ko nga rin po."

"Pero parang parikala."

"'No 'ka n'yo?"

"Parang balintuna."

"Parang baliktaran."

"Ganoon nga."

"Ganun din nga po ang biro sa kanya. Pati sa katutukso ko, namemorya ko tuloy. At kesyo, nasapol siya ng iron, naging ironic din s'ya."

Sandaling 'yon sana ang pinakamagaling na oras sa paghingi ng pera.

Kailangan ko pa naman nung pumunta sa Megamall para humabol sa Book Fair.

Sabi ni Jackie, ang dami-dami raw babasahing imported tungkol sa mga Kastilaloy.

S'yempre, kailangan kong kabisahin ang kultura ng mga titirahan ko dun.

Kaya lang, walang maiiwan kay Inana.

Kung matatagalan pa ako sa Espanya, matatagalan ding hindi kami magkikitang dalawa.

Sa edad n'ya, di mo alam kung kailan s'ya kakaritin ni Kamatayan?

Kaya, binusalan ko muna ang pagkahol ng obsesyon ko sa mga libro.

Tutal, nung nag-enrol naman ako sa Instituto Cervantes, nakapalagayang-loob ko na rin ang mga macho't mujer dun.

Kung baga, nakapag-Chinatown na ako bago makarating sa Mainland.

Tsaka, sa tinagal-tagal ng panahong kami'y magkasama, gusto kong marinig ang mga tala ng kanyang buhay.

Minsan pa.

Oo, magiging 135 taong gulang na si Inana sa a-n'webe ng Abril, 'yan din ang sabi ng kanyang sedula, subalit sa linaw ng isip n'ya, aakalain mong nagsisinungaling s'ya.

Kung sa unang tingin si Inana'y larawan ng simpleng buhay, hintayin mo s'yang magbukas ng bibig.

Sa likod ng pileges, nagtatago ang ganda n'yang natural, maalong buhok na sing-itim ng kanyang mga matang animo'y holen, bilugan ang kanyang mukhang magpapaalala ng buwang matiis na nagpapahele-hele sa gabing pagod, at mamula-mula ang mga labing n'yang kahit kulubot ay madalas makikitang makinis dahil bibihira mo s'yang makitang di nakangiti.

Kung sa unang tingin si Inana'y larawan ng simpleng buhay, hintayin mo s'yang magbukas ng bibig.

Isasalaysay n'yang parang nagbabasa ng alamat ang lahat ng kanyang pinagdaanan nang walang bahid ng pagsisisi.

Magsisimula s'ya sa huli, tutuloy sa simula, at magtatapos sa gitna.

Huli-simula-gitna.

Modus operandi ito ng memorya ni Inana.

Sa tulad kong pinalaki sa k'wento n'ya, nakaliligaw ang ganitong daan sa umpisa.

Kalahating totoo, kalahating di-totoo.

Walang iniwan sa realidad.

(O, surrealidad?)

Parang 'yung pagpapakilala n'yang di kapani-paniwala.

S'ya raw ang naging yaya ng kaisa-isang anak ni Andres Bonifacio kay Gregoria de Jesus.

"Totoo," depensa ni Inana,"at kung ayaw n'yong maniwala - magsawa kayong tanungin ako tungkol sa mag-asawa."

At sa kanilang kaisa-isang anak?

© V.E. Carmelo D. Nadera, Jr.

-------------------
Bahagi ng nobelang (H)ISTORYADOR(A) na nagwagi ng Ikalawang Gantimpala sa Centennial Literary Prize noong 1998 at inilathala ng University of the Philippines Press noong 2000.

back to toptop | about the author



powered by
FreeFind

 

Maria's Lullabye
by Carlene Sobrino Bonnivier

Mas Vale un Pajaro en Mano
by V.E. Carmelo D. Nadera, Jr.

Curaçao Cure
by Paulino Lim, Jr.

Opportunity
by Maranne Villanuevai

Pub Tales
by Irah Borinaga

Tereza's Eyes
by Remé A. Grefalda

I'm Not Weird, I'm Marginal
by Yolanda Palis
  poems | essays | short stories | plays
from the editor's laptop | welcome reader | frontispiece | bibliography
books | links | archives | index to issues
readers | about us | current issue