home
from the editor's laptop
welcome readerpoemsessaysshort storiesplaysgallerybookslinksarchivesindex to issuesOOV readersabout us / submitcurrent issue

 

Alimuom

Pagkatapos ng medical board exam ay nagdesisyon akong pumasok sa Internal Medicine Residency program sa UP-PGH pa rin kung saan ako nag-graduate. Isa sa mga rotation nito ay ang neurology, dito ko nakilala si Precious Ramos. Isang istorya ang nabuo na nagturo sa akin ng mga leksyon sa medisina, buhay, sa ating lipunan at konsyensya.

Ngunit nang kinalaunan, nawala na isa-isa ang bantay at suporta ni Precious. Ang hirap para sa doktor ang magka-pasyente ng ganito, kailangan ang diskarte para magamot ang pasyente.

Tuberculosis na nagpunta sa utak ang sakit ni Precious ayon sa medical record na aking tangan. Dalawampu't limang taong gulang ang pasyente at tubong Davao. Nang ma-assign siya sa akin ay may kabuuang dalawang buwan na pala siya sa Neurology ICU ng PGH. Heto siya ngayon, sa bed 3 nagwawala kaya nakagapos, walang saplot. Ayon sa mga nurses sanay na sila sa pasyente, makulit, tinatanggal lahat: suero, kumot, maging ang NGT tube na daanan ng pagkain. Halatang suya na ang staff sa pag-aalaga sa kanya. Nang aking lapitan, hindi siya makausap ng matino; umuungol lang at medyo iritable. Bulag na pala siya bunga ng mataas na presyon sa ulo dahil sa TB meningitis. Wala din siyang bantay, ni kamag-anak na maaaring umasikaso. Ilang beses nang nagtangka ang dati niyang doktor na si Dra. Tessa Perez, na kontakin ang mga kamag-anak sa Davao ngunit laging bigo. Sa katunayan, may nakausap na si Tessa na doktor ng isang government hospital sa Davao, sakaling iuuwi si Precious, may doktor nang titingin sa kanya.

Isang helper si Precious sa isang middle class na mag-asawa sa Quezon City. Isinugod siya sa ospital dahil sa labis na sakit ng ulo at sobrang pagsusuka. Kapwa niya mga katulong ang nagdala sa emergency room ng PGH. Nang simula ay ibinibili pa siya ng gamot ng kanyang amo. Ngunit nang kinalaunan, nawala na isa-isa ang bantay at suporta ni Precious. Ang hirap para sa doktor ang magka-pasyente ng ganito, kailangan ang diskarte para magamot ang pasyente. Kailangang sumulat sa Philippine Charity Sweepstakes Office, o kaya'y sa Congressman ng Davao, o makipag-unahan sa ibang doktor na magmakaawa sa mga dumarating na Chinese donors na unahin ang iyong pasyente. Ganito ang buhay ng PGH resident doctor, kalahati ng trabaho ay social work.

Ilang araw ding tumigil si Precious sa E.R. dahil walang bakanteng kama sa ward. Sa taas ng presyon sa ulo, nawawala siya sa sarili at ganon na nga, nabulag. Siya pala yung nakita ko noong minsang dumaan ako sa E.R., nakatali, hubad at sumisigaw. Lima lang ang nurses sa emergency room kasama ng tatlong doktor na umaasikaso sa halos pitumpung malalalang pasyente. Di kataka-taka na hindi palagiang matakpan ang katawan ni Precious at siya'y maasikaso palagi. Ang mga bantay naman ng ibang pasyente ay may kanya-kanya ring ginagawa. Sa kasamaang palad, bukod sa meningitis ay nagkaroon ng pulmonya ang pasyente, malalang pulmonya na kinailangang lagyan siya ng mechanical ventilator.

Nakita ko ang sobrang pagod ni Dra. Tessa Perez sa pag-aalaga ng pasyente lalo na nang malipat si Precious sa ICU. Lahat ng diskarte ay nagawa niya para mabigyan ng antibiotics ang pasyente. Lapit dito, lapit doon, magmakaawa dito, magmakaawa doon maigupo lang si Precious. Patunay dito ang improvement sa paghinga ng pasyente at pagbaba ng presyon sa ulo. Natanggal siya mula sa ventilator, umayos ang vital signs, bagama't may permanenteng damage sa nerves lalo na sa mata. Dalawang buwan ang kalbaryo ni Dra. Tessa bago niya ipinasa ang pasyente. Palabas na rin si Precious sa ICU papunta sa ward nang ma-assign siya sa akin.

Kinalas ko ang kanyang tali, laking gulat ko nang nagsimula niyang kamutin ang makakating parte ng katawan. Marami palang makati sa balat niya, di lamang siya makasalita...

Marami ang nang-aasar dahil sa kamalasan ko raw na ako ang nakamana kay Precious. Humanda raw ako dahil sikat na sikat ang pasyente. Ilang beses na nga siyang pinag-usapan sa mga doctors' conferences kasama ng mga social workers, pero walang naging maliwanag na plano kung paano aasikasuhin si Precious. Paglipat ng pasyente sa ward mula ICU, iritable pa rin. Isang umaga, kinausap ko siya nang masinsinan at tumahimik naman. Kinalas ko ang kanyang tali, laking gulat ko nang nagsimula niyang kamutin ang makakating parte ng katawan. Marami palang makati sa balat niya, di lamang siya makasalita dahil paos na paos bunga ng matagalang mechanical ventilator. Hindi rin siya nakakakita kaya't di niya alam kung saan babaling upang humingi ng tulong. Matagumpay kong nakabitan ng suero ang pasyente at nangako siyang kakain na raw. Iniwan ko siyang payapa ngunit nang bumalik ako kinahapunan, tanggal na naman ang suero, makalat ang kama, at talaga namang frustrating nang makita ko siyang hubad at nakatali na naman.

Nang tinananong ko ang nurse, ang banas na sagot niya'y, "Dok, talaga namang ganyan yan eh!"

Paglapit ko sa pasyente, ayaw na niyang makipag-usap. Naasar din ako, sa nurse, kay Precious, sa Neurology, sa medisina, sa sitwasyon sa PGH, sa lahat naasar ako. Naiisip ko, dalawang buwan pa ako sa problemang ito, malas nga yata talaga.

Nagliwanag ang aking mukha nang ibalita sa akin ng nurse na may dumating na dalaw si Precious. Sa wakas, may mag-aasikaso na nang mahusay sa pasyente. Si Evelyn, ang dating kasamahan ni Precious sa trabaho. Gusto ko sanang komprontahin at konsensyahin si Evelyn, pero bigla akong napigil nang makita ko siyang umiiyak sa harapan ni Precious. Uuwi na raw siya sa Cebu dahil wala na siyang trabaho, mababait naman ang kanilang amo, pero di lang nila talaga kayang tumulong kay Precious at di nila makayang dumalaw sa ospital dahil nahihiya. Sinusubukan din naman daw nilang tumawag sa Davao pero ganon din, walang makontak. Nai-report na sa munisipyo doon ang kalagayan ni Precious at hinahanap na rin ng awtoridad ang kanyang kamag-anak. Sasagutin daw ng kanilang amo ang pamasahe ni Precious sa oras na maari na siyang umuwi. Sa katunayan, sa kalagayan ni Precious ay maaari na siyang iuwi sa kondisyong may maayos na mag-aalaga sa bahay. Wala na akong masabi. Dumating ang social worker, pero nautal din siya.

Dalawang linggo ang lumipas na gano't ganon din ang mga pangyayari sa aming dalawa ni Precious. Minsan nga lumilipas ang araw na wala akong orders sa medical chart. Sinusulyapan ko na lang siya tuwing ako'y napapadaan sa ward. Hanggang isang araw, may "good news, bad news"; laking tuwa ko nang ibalita sa akin na dumating na ang kapatid ni Precious, ngunit laking dismaya naman nang makilala ko ang kanyang kapatid na binatilyo, si Danilo. Disi-siete anyos pa lang, wala pa sa legal age. Ni walang kapoder-poder mag-desisyon, pero nandiyan na ano pa nga bang magagawa. Mabait ang bata, mahiyain, malumanay sumagot at sa salitang Bisaya. Nakita kong nanlumo siya sa kalagayan ng kanyang ate. May dala na rin siyang plane tickets na bigay ng amo ni Precious, one-way para sa kanilang dalawa pauwi ng Davao.

Kinabukasan nang alas singko, di ako makapaniwala sa aking nakita. Si Precious Perez, nakadamit nang maayos, inaalalayan ni Danilo sa pag-upo habang sinusuklayan ang kanyang ate.

Masalimuot pa rin ang proseso ng pag-uwi ni Precious sa Davao. Una, kinailangan kong magmakaawa sa PGH administration para sa ambulansya na maghahatid sa amin sa airport. Pangalawa, requirement ng PAL na bago maisakay ang pasyente sa eroplano, kailangang nakakaupo na, walang suero o kung anumang nakakabit. Bahala na, ang mahalaga'y makauwi ang magkapatid sa Davao.

Bisperas ng pag-uwi ni Precious, nagkataong duty ako sa PGH. Hindi ko ma-imagine kung paano makakaupo si Precious at magmumukhang malakas pagpunta namin sa airport. Medyo tulala ako nang mag-order ako sa chart- "remove intravenous fluid, remove foley catheter, and dress-up the patient; for possible discharge tomorrow at 7 am." Kinumpleto ko na ang mga endorsement papers para sa follow-up ng pasyente sa Davao hospital. Kinausap ko muna ang magkapatid bago ako pumunta sa emergency room. Tahimik pa rin si Precious, hindi na nagwawala. Nagbilin ako kay Danilo ng mga instructions sa pag-aalaga ng pasyente. Bahala na. Bukas na lang nang alas singko ng madaling araw ko sila babalikan, umusal din ako ng panalangin.

Wow! Kinabukasan nang alas singko, di ako makapaniwala sa aking nakita. Si Precious Perez, nakadamit nang maayos, inaalalayan ni Danilo sa pag-upo habang sinusuklayan ang kanyang ate. Bigay daw ng butihing amo ang damit. Sa wakas makakauwi na rin si Precious, ibinalita kong pumayag na rin ang admin para sa ambulansya na maghahatid sa airport, kaya lang pagkahatid alis agad at iiwan na ako.

Nagtanong si Danilo ng ilang agam-agam, sumagot na lang akong, " Huwag kayong mag-alala, uuwi kayo, uuwi kayong magkapatid sa Davao".

Kuwento ng binata, apat silang magkakapatid at pangatlo si Precious. Ulila na sila sa magulang at ang nagpapaaral sa kanya ay ang kanilang kapatid na maestra, isang matandang dalaga. May sarili nang pamilya iyong isa. Lumayas daw si Precious sa Davao, gustong-gustong makarating at makipagsapalaran sa Maynila, ngunit heto na nga, naging malupit ang Maynila para sa kanyang ate. Naging isang bangungot ang pangarap na makaahon sa hirap.

Alas siyete na nang nagsimula kaming lumarga patungong airport. Parang naging piyesta ang neurology ward dahil sa pag-uwi ni Precious. May kumantiyaw pang umimbita raw kami ng banda habang papalabas kami sa ward. "Wow Noel, sikat na sikat ka, mapapauwi mo si Precious!", biro ng ilang co-resident physicians. Ang mga nurses naman, " Doctor Cruz, congratulations!".

Nasisinagan siya
ng araw sa mukha, ninanamnam ang init na ngayon lang niya muling naramdaman bagama't madilim ang mundo bunga ng pagkakabulag.

Sumakay na kami sa bago at magarang ambulansya ng PGH at sinimulang tahakin ang daan patungong domestic airport sa Pasay. Nasa Roxas Blvd. na kami, nakahiga si Precious sa stretcher, umuubo. Nakatingin ako sa Manila Bay, pilit na sinisikil ang awa sa magkapatid. Kinakausap ni Danilo si Precious sa salitang Bisaya, malamang ay ikinukuwento ng binata ang kanilang mga kapatid, "kuya" at "ate" lang ang salitang aking naiintindihan. Hawak ng binata ang kamay ng ate. Tumatango si Precious, hangin lamang ang lumalabas na boses sa kanyang bibig. Nasisinagan siya ng araw sa mukha, ninanamnam ang init na ngayon lang niya muling naramdaman bagama't madilim ang mundo bunga ng pagkakabulag. Madalas ding lumingon si Danilo sa paligid at namamangha sa mga gusali ng Roxas Blvd., pilit din niya itong isinasalarawan sa isip ni Precious.

"Ngayon ka lang ba nakarating ng Maynila?", tanong ko kay Danilo.

"Opo, doc, pero wala sa amin n'on", itinuturo niya ang squatters area sa gilid ng isang maruming estero sa may Baclaran. .

"Anong plano mong gawin kay Precious?" patuloy kong urirat.

"Sa amin pong likod ay may mga puno ng mangga, may duyan na malaki na ginawa namin. Uma-umaga dadalhin ko si Ate Precious doon. Hinihintay na kami ng ate naming maestra."

Ubo pa rin nang ubo si Precious baka mahalata ito ng doktor sa airport. Wala silang dalang pantakip kaya naiabot ko ang aking panyo na bigay ng aking Mrs,"Sige sa inyo na itong panyo, wag ninyo lang akong kalilimutan ha". Pagbigay ko ng panyo kay Danilo, sa unang pagkakataon, ngumiti si Precious, kitang-kita ko dahil nasisinagan siya ng araw.

Nanlumo ako sa eksena, pero bilang doktor, kultura ang hindi ka dapat magpakita ng emotional attachment, ewan ko nga ba bakit ganoon. Makasisira daw ito ng clinical judgment. May nagsabing nagsimula ito noong unang panahong ipinagbabawal ang dissection ng cadaver. Palihim na nag-aaral ang mga doktor ng gross anatomy. Sa panahong pinayagan na ng makapangyarihang relihiyon ang cadaver dissection, ang kundisyon sa mga doktor ay katawan lamang ng pasyente ang asikasuhin at huwag pakialaman ang mga bagay ukol sa emosyon, ispiritu at kaluluwa. Ito nga yata ang dahilan kung bakit sa kamalayan ng doktor, huwag magpakita ng emosyon sa pasyente.

Natigil lang ang aking pagmumuni nang sabihin ng driver, "Doc, nandito na tayo sa clinic ng PAL, kukuha muna tayo ng clearance".

Kinabahan ako.

Nanginginig kong sinabing, "Hindi kayo lang ang makakapigil sa pag-uwi ng magkapatid sa Davao. Tatlong buwan iyang inasikaso sa PGH na walang bantay na kamag-anak..."

Ipinarada ang ambulansya sa harapan ng isang maliit at lumang clinic di kalayuan sa mismong airport. Ibinaba namin ang pasyente upang masuri ng isang matandang doktor. Nakita ng isang nurse ang aming ambulansya at nagtanong, "Makati Med ba kayo galing?" Kasi tipong pang-mayamang ospital ang ambulansya at humusga na agad siya ng aming pinanggalingan. Laking taka niya nang sagutin ko siyang sa Philippine General Hospital "lang" kami nagmula. Gamit ang stethoscope, marahang in-examine ng doktor si Precious at nagsulat sa maliit na papel, tumango lamang sa amin. Nakahinga ako ng maluwag nang hindi nagwala ang pasyente. Pinasakay muli kami sa ambulansya at tumungo na sa domestic airport. Pagpasok sa lounge, maraming tao, mga manlalakbay at marami ang halatang mayayayaman. Habang itinutulak nang stretcher na lulan si Precious, marami ang sumusunod ng tingin sa amin. Medyo naging conscious ako nang maalala kong lampas beinte cuatro oras na ang suot kong damit, medyo marumi na at hmmmm. Ipinasok kami sa isang clinic ng mismong tarmac, si Danilo nama'y nag-asikaso ng plane tickets.

Hindi naging kasim-bait ng matandang doktor ang doktor dito sa clinic. Antipatiko kaming tinanong,"Sigurado ba kayong makakaupo yang pasyente? Taga-saan yan? Sino ang kasama? Umuubo pa yata." Para siyang pulis na nag-iinterview ng kriminal na kahuhuli pa lamang.

Sa puntong ito, nag-panting ang tenga ko't nagdilim ang paningin sa galit. Nanginginig kong sinabing, "Hindi kayo lang ang makakapigil sa pag-uwi ng magkapatid sa Davao. Tatlong buwan iyang inasikaso sa PGH na walang bantay na kamag-anak, na-endorse na siya sa isang doktor sa Davao, huwag naman kayong ganyan, kawawa ang magkapatid! Kailangang makauwi sila sa probinsya."

Nagsimulang umiyak si Precious, pilit na tinatawag ang kapatid. Buti't hindi na sumagot ang doktor na halos kasing-edad ko lamang; at kung hindi paaandaran ko siya ng aking mga credentials at malamang naikumapara ko ang sarili ko sa kanya. Mabait pa rin ang Diyos, parang nagpadala siya ng anghel upang itikom ang mga bibig ng mga taong ito na animo'y mga leong lalapa kay propeta Daniel noong siya'y makulong sa lion's den. Habang kinakalma ko ang kalooban ni Precious ay siya namang pagdating ni Danilo. Saka lamang pumayapa ang lahat. Naghintay kami ng advise kung kailan isasakay sa eroplano si Precious.

Sumabat ang isang nurse, "Doc puwede n'yo na pong iwanan ang pasyente, kami na ang bahala".

"Hindi, hihintayin kong maiakyat siya sa eroplano bago ako umalis, tutal wala na rin naman yung ambulansya ng PGH", tugon ko.

Wala na ang kanyang mga magulang, kung sila'y buhay pa, tatanggapin nila
ang kanilang anak, isinuka ng malupit
na Maynila: nakahiga, payat, at bulag.

Halos isang oras din kaming nakiramdam kung anong eksena ang susunod habang hinihintay ang pag-akyat ng magkapatid sa eroplano. Wala naman, humihikab at tumatalungko na lang ako dahil sa inip at pagod. Malamang kung mag-demand pa ako sa medical staff ng airport clinic ay magsimula na naman ang umaatikabong pakikipagtalo. Hindi ko na rin kasi mai-kompromiso ang pag-uwi ni Precious sa Davao, sarado na ang isip ko. Basta uuwi sila. Tumayo na kami nang dumating ang wheelchair na sasakyan ng pasyente at nagbigay sila ng go-signal papuntang sa tarmac. Sa labas, maliwanag pero nagtatago ang araw sa makapal na ulap. Wala pa ang ibang mga pasahero, kami pa lamang ang tao sa tarmac.

Nagpaalam na si Danilo habang matamis na ngiti naman ang ibinigay ni Precious. Nakakatuwa, naisip ko, siguro nang ipinanganak si Precious, malamang sobra siyang napakahalaga para sa kanyang inay kaya Precious ang ipinangalan. Mga araw na masasaya habang siya'y pinaghehele; nang pinag-aral sa mababang paarala'y pinaghahanda ng baon. Ngunit nang magdalaga, natabunan ng mga frustrations si Precious, namulat sa mundong di makasumpong ng pag-asa. Hindi na ipinagpatuloy ang pag-aaral at nabighani sa kwento tungkol sa Maynila. Pilit na isiniksik ang sarili sa masikip at polluted na siyudad na ngayo'y pilit naman siyang pinauuwi. Wala na ang kanyang mga magulang, kung sila'y buhay pa, tatanggapin nila ang kanilang anak , isinuka ng malupit na Maynila: nakahiga, payat, at bulag.

Sinenyasan ako na hanggang doon na lamang ako pwedeng sumama, patuloy na iginulong ang wheelchair patungong hagdan ng eroplano. Naiwan akong mag-isa sa tarmac, napako sa isang lugar habang malalim kong iniisip ang mga eksena; napako sa magkapatid ang mga mata na walang kakurap-kurap.

Nang magsimula silang umakyat kasama ng dalawang crew, nagsimula ring umambon. Di ako matinag, sana mahugasan ng ulan ang mga kasalanan ko kay Precious. Sige umulan ka, mahugasan sana ng ulan ang maraming kasalanan ng Pilipinas sa inyong magkapatid. Ang sakit na tuberculosis na kadali namang gamutin, ay bakit di magamot-gamot ng lipunan. Wala kasing gamot, pag pumunta sa center, wala daw, pero iniimbak at minsa'y ibinebenta ng mga buwitreng tao sa health center. Lalong bumulwak ang galit ko, sumabog na bahala na kung sino ang tamaan at mamantsahan. Anong ginagawa ng mga pulitiko sa probinsya, ano't hindi matigil ang mga istorya ng mga taga-probinsya na tumatakas patungong siyudad para makipagsapalaran; hindi kalalakihan lang kundi mga babae tulad ni Precious, mga bata. Gusto ko sanang murahin ang gobyerno: ang mga mayor, gobernador, congressman at senador. "Mga p__ nyo!, Mayayaman kasi kayo kaya kayo nasa puwesto! Si Precious ay isa lamang sa maraming kaso ng pagka-miserable, di pa ba kayo nakakarinig ng ganitong istorya? Punta kayo ng PGH at kumustahin ninyo ang inyong mga kababayan. Kailangan pa kaming mga PGH doktor na gumawa ng formal letter kay Morato ng PCSO makakuha lang ng gamot. Susulat sa inyong mga "Honorable" para mamalimos ng konting barya mula sa pork barrel fund. Kadalasan pa dinededma. Nakapagngingitngit pa na marinig mula kay Sister Christine Tan na ang pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office ay inilipat daw sa isang "foundation" na nakabase sa Greenhills, San Juan. Kaya pala naghigpit sa pondo nang mapalitan si Manoling Morato. Di ba nakakasulasok? Buti pa ang Chi Che Tong Foundation, kapag dumadating sa Medical Ward ang mga babaeng Intsik na nakadamit asul, unahan na kami sa pamamalimos para maunang bigyan ang kani-kanyang pasyente. Si Dra. Irma Guanzon isa sa mga naunang residente ng Internal Medicine, minsa'y nagkulong na lang sa quarters. Dinaan na lang sa iyak nang wala na siyang magawa para sa pasyenteng kritikal ang lagay. Kailangan lang ay antibiotics na malakas ngunit napakamahal. Kinatok siya ng isang lalaking di niya kilala at binigyan ng perang pambili ng gamot ng pasyente. Nag-ayos muna si Irma ng sarili sa loob ng kuwarto bago pormal na magpakilala at magpasalamat sa lalaki. Ngunit paglabas niya, walang tao. Wala namang napansin ang ibang kasamahan niya na may lalaking dumaan. Isang himala ang nangyari, naisalba ang pasyente. Ganito na lamang ba lagi? Sa Chi Che Tong at himala aasa?

Nawala na sa paningin ko ang magkapatid, ipinasok na sa eroplano. "Sige umuwi na kayo Precious at Danilo, anuman ang susunod na kabanata sa Davao, at least sama-sama kayong magkakapatid." Nasa kalagitnaan ako ng sama ng loob nang biglang umusok ang lupa bunga ng pagkakabasa ng ulan. Mabaho ang amoy na parang sumingaw ang buong baho ng Pilipinas. Masakit sa tiyan ang amoy, maduwal-duwal ako. Sa una'y naipit pa sa dulo ng aking dila ang tawag sa amoy na ito, nang kalauna'y naalala ko, ito nga pala'y--- alimuom.

© Noel C. Cruz, MD

back to toptop | about the author



powered by
FreeFind


Excerpt from
Letters to Montgomery Clift

by Noel Alumit
Recipient,
Global Filipino Literary Award


La Luna "Before Silence of Winter Comes"
by Eileen R. Tabios

Rizal
by Denis Murphy

Alimuom
by Noel C. Cruz, MD

Violation
by Paulino Lim, Jr.
  poems | essays | short stories | plays | gallery
from the editor's laptop | welcome reader | frontispiece
books | links | archives | index to issues
readers | about us | current issue