home
from the editor's laptop
welcome readerpoemsessaysshort storiesbookslinksarchivesindex to issuesOOV readersabout us / submitcurrent issue

 

Mga Lumang Violin

It's actually not the milk but the touch of the Master's hand.

Tumuntong ako sa bangko para maabot ang kaha ng lumang violin na nakapatong sa aparador. Nang maibaba sa mesa, pinagpag ko ang makapal na alikabok, pagkatapos ay pinunasan ng basahan. Pagkabukas, bumantad sa akin ang lumang violin, pigtas na ang mga kuwerdas at sira na ang bow, mukhang nginatngat ng daga. Buti't buo pa ang mismong kahoy ng violin, may mga gasgas nga lang. Ang violin ay ibinigay sa akin ng kaklase kong Tsinoy noong nag-aaral pa ako sa UP College of Medicine. Naipasa na raw sa maraming henerasyon ng kanilang pamilya ang violin, tumigil sa kanya dahil wala siyang hilig sa violin. Nang sabihin niyang itatapon niya ang lumang instrumento, hiningi ko na lamang sa kanya at ibinigay naman agad. Ilang beses din akong sumubok na mag-self study ng violin, pero hindi yata ako pang-violin dahil flute talaga ang hilig ko at ito ngayon ang aking tinutugtog. Naimbak nang matagal sa ibabaw ng aparador ang lumang violin.

Nailahad niya sa akin kung paano umikot sa isang lumang violin ang takbo ng kanilang buhay pamilya. Matapos kong marinig ang kanyang istorya, nakumbinsi akong ibigay sa kanya ang lumang violin na nakaimbak lamang sa aming bahay.

Itong umagang ito, nilinis ko ang lumang violin dahil ibibigay ko kay Mrs. Santiago, isa sa aking mga pasyente. May follow-up siya sa akin at nabanggit niyang ang violin na ibibigay ko sa kanya ay maaring malayo ang maabot at maging malakas ang epekto sa buhay ng ilang tao. Nailahad niya sa akin kung paano umikot sa isang lumang violin ang takbo ng kanilang buhay pamilya. Matapos kong marinig ang kanyang istorya, nakumbinsi akong ibigay sa kanya ang lumang violin na nakaimbak lamang sa aming bahay.

Sinimulan ni Mrs Santiago ang istorya sa kanyang butihing asawa, si Mr. Dominador Santiago. Tatlong taong gulang pa lamang diumano si Mr. Santiago nang maulilang lubos. Inilagak siya ng kanyang tiyo sa isang bahay ampunan sa kabundukan ng Guimaras. Hirap na rin kasi ang tiyo sa pagbuhay ng maraming anak kaya't malaking pabigat ang madagdagan pa ng isa. Sa bahay ampunan lumaki si Domeng Santiago, kakaiba sa maraming batang may kumpletong pamilya. Mga Christian missionaries ang humubog ng kanilang murang isipan.

Minsan ay nagpadala ang Ayala Foundation ng isang maestro sa bahay ampunan. Misyon ng maestro na maturuan ng musika ang mga kabataan doon. Dala-dala niya ang mga lumang violin na ipamimigay sa mga bata na mae-engganyong mag-aral ng instrumento. Limang bata ang nadiskubreng may hilig at talento sa musika. Isa dito si Domeng. Binatilyo na at nahilig sa violin kaya't tuwing hapon ay pumapailanlang sa marahang hangin ng Guimaras ang tunog ng violin ni Domeng, araw-araw siyang nagsasanay. Si Maestro ang unang nakapansin ng pagiging pulido ng hagod at tunog ng lumang violin ni Domeng. Nang matapos ang misyon ng Maestro, iniwan niya ang ilang bata na mahuhusay at may pagpapahalaga sa musika.

Inimbita ng isang negosyenteng taga-Maynila ang limang kabataan ng bahay-ampunan na mahuhusay sa violin. Dinala ang mga kabataan, isa si Domeng, sa Maynila para magtanghal. Naging matagumpay ang kanilang performance, ngunit may hindi nagustuhan si Domeng. Naramdaman niyang pinagkakitaan lang sila ng negosyante at may naka-alitan pa siyang mga tauhan nito. Pagbalik niya sa Guimaras, tinabangan na siyang mag-violin.Nawala ang tunog ng violin na dati'y naririnig sa kabundukan sa Guimaras.

Isang umagang maaliwalas, nasilayan ni Domeng ang babaeng magpapatibok ng kanyang puso. Minsa'y isinama ng may-ari ng ampunan ang kanyang pamangkin, si Adelaida. Parang nakarinig ng orchestra si Domeng nang magtama ang kanyang paningin at ang mga ngiti ni Adelaida. Tutulong pala si Adelaida sa pag-aasikaso ng mga maliliit na bata na bagong dating, kaya't matagal ang kanyang ilalagi sa ampunan. Hindi nagtagal, nagkakilala sina Domeng at Adelaida, naging malapit sa isa't isa, at umusbong ang malalim na pag-iibigan. Ito'y sa kabila ng matinding pagtutol ng tiyo ni Adelaida.

Nagtaka siguro ang mga ibon, puno at hangin ng Guimaras nang marinig muli ang magandang musika ng violin. Bumalik sa pagtugtog si Domeng, sa pagkakataong ito, halatang puno ng damdamin ang musikang pumapailanlang.

Mas lumalim ang pag-iibigan ng magkatipan. Hindi na nila kayang magkahiwalay pa kaya't lihim silang nagpakasal. Nang mabatid ito ng may-ari ng ampunan, sobra niya itong ikinagalit at pinalayas ang bagong kasal mula sa Guimaras. Iniwan ng mag-asawa ang lugar, naiwan din ang lumang violin.

Napadpad ang mag-asawa sa Las Pinas, nanirahan sa isang squatters area doon. Kung ano ang kakainin sa araw-araw o kung paano mabubuhay, ito na ang kanilang pinagkaabalahan. Wala nang puwang pa ang musika o ang violin. Lalo na nang magkaanak sila ng tatlong lalaki, maraming uri ng trabaho ang kanilang pinasok. Naglabada si Adelaida, nag-plantsadora at nagtinda ng kung ano-ano. Nag-janitor si Domeng, nag-security guard, bago nag-jeepney driver. Sa kabila ng kanilang kahirapan, napalaki nila ang kanilang mga anak na may takot sa Diyos at may pagpapahalaga sa mabuting asal.

Excited si Adelaida, pero umiling-iling lang si Domeng. Tiningnan nang matagal ang mga kamay na pulos grasa, inamoy ang sarili at umiling pa rin ng pagtangging tumugtog ng violin.

Kasama minsan si Adelaida sa pagpasada ng jeepney ni Domeng. Pagdating ng hapon, nasiraan sila ng sasakyan. Bumaba ang mga pasahero matapos maibalik ang kani-kanilang bayad. Itinabi ang sasakyan at sinimulan ni Domeng ang pagkumpuni. Humiga siya sa ilalim ng jeepney at inayos ang nasirang parte. Nag-abang naman sa tabi ng kalye si Adelaida. Sa tapat pala ng isang Christian Church nasira ang sasakyan. May isang babae mula sa simbahan ang nag-alok ng tubig na maiinom at nakipagkuwentuhan na rin kay Adelaida.

Piyanista pala ng simbahan ang butihing babae. Lumabas sa kanilang usapan na ang lalaking nagkukumpuni ng jeepney ay mahusay mag-violin. Di makapaniwala ang piyanista at mukhang na-excite siya dahil may mga anak pala siyang pinag-aaral ng violin. Sabi pa ng babae, kung pauunlakan ni Domeng ang paanyaya niyang tumugtog sa simbahan nila, ibibigay niya ang isa sa kanilang lumang violin. Excited si Adelaida, pero umiling-iling lang si Domeng. Tiningnan nang matagal ang mga kamay na pulos grasa, inamoy ang sarili at umiling pa rin ng pagtangging tumugtog ng violin.

Sa bahay nila nang gabing iyon, tulog na sina Adelaida at ang mga anak nila. Gising pa si Domeng, malalim na nag-iisip sa tabi ng bukas na bintana. Katitila pa lamang ng bahagyang ulan at maalinsangan ang hangin. Naririnig niya ang mga tahol ng aso, maging ang ingay ng paghalo ng piyesa ng mahjong mula sa kapitbahay na may pasugalan. Tanaw niya ang makipot at maputik na iskinita, ang mga sala-salabid na kawad ng kuryente, at mga nakasarang bintana ng mga kapitbahay na may itim na krus na nakapinta.

Tinitigan niya ang mga kamay, wala nang grasa pero nandoon pa rin ang maraming kalyo. Ipinosisyon ang mga braso't kamay, kunyari'y may hawak na violin. Ipinikit ang mga mata at nagsimulang tumugtog. Alam na alam pa niya ang mga piyesa nina Brahms, Mahler, Beethoven at Bach. Tinugtog niya sa isip ang piyesang "Meditation", ang "Serenade" ni Tzchaikovsky, "Romance" ni Beethoven, maging ang mga klasikong likha ni Abelardo. Nang tinutugtog niya sa isip ang composition ni Bach, parang wala na siya sa sarili, mabilis ang paghagod sa di nakikitang violin . . . mabilis ang tibok ng puso . . . mabilis ang pag-indayog ng katawan at ulo . . . pinagpapawisan na siya. . . wala na siyang naririnig kundi ang tunog ng violin na ngayon ay animo'y may kasamang orchestra.

Natauhan na lamang siya nang dumampi ang kamay ni Adelaida sa kanyang likod. Pagdilat ng kanyang mga mata, bumabaha ito ng luha na humalo sa tagaktak niyang pawis. Bumalik ang ingay sa paligid. Nagyakapan nang buong pagmamahalan ang mag-asawa at sumambit ng panalangin bago sabay na natulog katabi ng tatlong anak.

Nang sumapit ang araw ng Linggo, kasama nina Domeng at Adelaida ang tatlong anak sa pagdalo sa simbahan ng piyanista. Pinaunlakan ni Domeng ang paanyayang tumugtog siya muli ng violin. Sa worship service, pinahawak siya ng isang lumang violin at pulidong-pulido niyang tinugtog ang mga imnaryong, "Holy, Holy, Holy" at "Great is Thy Faithfulness". Humanga nang husto ang kongregasyon, kulang na lang ay mag-standing ovation.

Isa pala sa miyembro ng simbahan ay lider sa Philippine Philharmonic Orchestra (PPO). Di niya napigilan ang sarili na magpakilala kay Domeng at anyayahan ang huli na mapabilang sa kanilang orchestra. May kaunting sweldong matatanggap sa kanyang pagsali. Kuwento sa akin ni Mrs. Santiago, "Alam mo Doc, noong una nahihiya pa si Domeng sa PPO dahil siya lang ang luma ang violin at palaging luma ang suot na damit. Pero nang marinig ang kanyang pagtugtog, maiinit agad ang pagtanggap ng mga musikero."

Nagbago ang takbo ng buhay ng pamilya simula nang bumalik si Domeng sa pagtugtog ng violin. Hindi mapigil ang paghanga ng marami sa kanya. Inanyayahan siyang magtanghal sa Singapore. Matagal ang kanyang inilagi doon at iyon ang simula ng pag-angat ng kanilang kabuhayan. Nakalipat sila sa maayos-ayos na tirahan at nang magsimulang mag-aral ang kanilang mga anak, naging regular na manunugtog ng violin si Domeng sa isang sikat na luxury ship.

Hindi matapos ang buhos ng biyaya sa mag-asawa, lumitaw ang kanilang tunay na yaman, walang iba kundi ang kanilang mga anak na lalaki. Si Miguel, ang panganay, matapos ang high school ay nag-aral ng piano hanggang makasama ng ama sa pagtatanghal sa barko. Ang pangalawa'y si Alvin, naging scholar ng mga madre ng St. Scholastica sa pagdadalubhasa ng pagtugtog ng violin. Ngayo'y miyembro na si Alvin ng Manila Symphony Orchestra.

... binuksan ko muna ang kaha ng lumang violin na aking dala, tiningnan nang matagal, isinara at iniabot kay Mrs. Santiago. Sabi pa niya, "Aayusin ito, Doc, ng isang maestro at dadalhin namin sa bahay-ampunan sa Guimaras, ipinagpapatuloy namin ang misyon."

Ang kamangha-manghang biyaya ay ang bunso, si Domeng Jr. Limang taong gulang pa lamang ang bata nang magsimulang tumugtog ng violin. Gifted child si Junior. Ang kanyang ama ang unang guro niya sa violin. Nadiskubre rin siya at inalagaan ng mga Maestro ng St. Scholastica: tinuruan at hinubog hanggang maging world class musician sa batang edad. May mga mayayamang pilantropo ang gumastos para mapadala si Junior sa London School of Music. Ngayo'y binatilyo na siya, trese anyos, at handa na sa malaking concert sa Main Theatre ng Cultural Center of the Philippines. "The Gift" ang pamagat ng pagtatanghal.

Nandoon ako sa CCP kasama ang aking maybahay at nanonood ng pagtatanghal ni Junior. Suwabe at pulidong-pulido ang pagtugtog ng mga piyesa-"Cavatina" ni Abelardo, "First Movement Concerto" ni Mendelssohn, "Preludium" at "Allegro" ni Kreisler, "Scherzo Tarantelle" ni Wieniawski, at "Gypsy Air" ni Pablo Zarasate. Pero teka, kakaiba yata ang kanyang tinugtog bilang Finale, hindi classical music bagkus musikang likha ni Don Moen . . . ang "Give Thanks". Standing ovation at malakas ang palakpakan. Ibinilang ng CCP ang "The Gift" bilang pinakamahalagang pagtatanghal ng taon.

Kuwento pa ni Mrs. Santiago, "Noong una nga, Doc, ayaw pumayag ni Maestro na 'Give Thanks' ang finale dahil nga hindi classical music, pero pinagpilitan namin ni Junior dahil nga espesyal sa amin ang mensahe ng kanta ang, 'and now let the weak say I am strong, let the poor say I am rich because of what the Lord has done for us, give thanks' at ito ang kahulugan ng buhay namin ngayon.

Matapos ang mahabang kuwentuhan at pag-check-up ko kay Mrs. Santiago, binuksan ko muna ang kaha ng lumang violin na aking dala, tiningnan nang matagal, isinara at iniabot kay Mrs. Santiago. Sabi pa niya, "Aayusin ito, Doc, ng isang maestro at dadalhin namin sa bahay-ampunan sa Guimaras, ipinagpapatuloy namin ang misyon."

"Because little becomes much when you place it in the Master's hand" (Mula sa awiting Ordinary People)

© Noel Cruz

back to toptop | about the author



powered by
FreeFind


In the Manner of True Conquerors
by Edessa Ramos

Mga Lumang Violin
ni Noel Cruz

Shortlist, Shortchanged
by Eusebio L. Koh
  poems | essays | short stories
from the editor's laptop | welcome reader | frontispiece
books | links | archives | index to issues | readers
about us | current issue