home
from the editor's laptop
welcome readerpoemsessaysshort storiesbooksarchivesindex to issuesOOV readersabout us / submitcurrent issue

 

Red Beets and Dill Pickles

Iba na kasi ang epekto ng anim na taong pakikipag-buno sa tunay na buhay. Mami-miss mo ang kasimplehan ng high school.

Sa Lane 12 ng Makati Supermart kami nagkatagpo ni Crystal. Naghahanap ako ng canned red beets para sa 3-day Miracle Diet ni Mary Prieto, siya naman naghahanap ng dill pickles. Una siyang bumati.

"Excuse me, miss, aren't you from Bene?" sabi niya.

"Crys?" sabi ko. Unang pagkakita ko pa lang, alam ko nang siya iyon. Cropped na ang buhok niyang dati ay ala-Julia Roberts sa kulot. Naka-black turtleneck at leopard print na mini-skirt. Walang varicose veins.

"Heidz!" sabi niya, sabay yakap. Hindi naman kami naging ganoon ka-close, pero natuwa ako sa kanyang pagbati. Gano'n siguro talaga kapag high school friend. Kahit na wala naman kayong ibang pinaghatian kundi pad paper tuwing exam at pressed powder sa loob ng C.R. tuwing R.O.T.C., pakiramdam mo pinagbuhol kayo sa tadyang. Iba na kasi ang epekto ng anim na taong pakikipag-buno sa tunay na buhay. Mami-miss mo ang kasimplehan ng high school.

"Kamusta ka na?" sabay kami. Tawanan.

"Eto," sabi ko. "Gan'on pa rin."

"Ang sexy mo na, ah!" puri niya. "Anong sikreto mo?"

"Wala," sagot ko. "kunsomisyon." Tiningnan ko ulit ang legs niya. "Ikaw, maganda pa rin. As usual."

"Hindi naman," sabi niya, at inayos ang perpektong laylayan ng kanyang palda. "Salamat."

Si Crystal talaga. Kahit na nuong high school kami, sobrang conscious na sa hitsura niya. Akala mo, binibigyang-puri ka, iyon pala naghihintay lang ng return compliment.

"Saan ka na ba ngayon?" tanong niya.

"Freelancing," sagot ko. "Minsan, sumasali sa theater. Minsan, nagsusulat. Minsan, gumagawa ng projects sa T. V. stations at advertising companies. Ikaw?"

"Natuloy na rin akong mag-manage ng furniture company ni papa. Ayaw ko nga nuong una, pero kalaunan, nagustuhan ko na rin."

"Business Management ka sa La Salle, `di ba?"

Kuntento na ako sa kaunting kamustahan at kaunting yakapan. Mahirap na ang lunch. Baka maraming ma-ungkat.

"Oo. Ikaw, Ateneo? Mass Comm?"

"Communication Arts," sabi ko. "Magkalaban pala tayo." Tawanan ulit.

"Grabe, ilang taon na ba? Nine? Ten? Ang bilis ng panahon."

Oo nga, naisip ko. Sampung taon na rin mula nang isinumpa kong hindi bumalik sa Bene hangga't hindi ako mayaman, maganda, at may bonggang asawa. Sampung taon na, pero hanggang ngayon, chickenfeed pa rin ang buhay ko. Hanggang ngayon, pa-freelance-freelance. Walang stability. Walang direction. Hirap sa pagdi-diet. At wala pa ring boyfriend.

"Oo nga," bulong ko. "Sampung taon."

"Hey," sabi niya. "Nagmamadali ka ba? Why don't we have lunch?"

Unang pumasok sa isip ko, ayaw ko. Kuntento na ako sa kaunting kamustahan at kaunting yakapan. Mahirap na ang lunch. Baka maraming ma-ungkat.

"Sige na," sabi niya. "It's my treat."

"Ay, huwag," sabi ko. "Okay lang. Saan mo ba gusto?"

"May coffeeshop yata sa labas. Duon na lang tayo."

Maraming tao sa coffeeshop, pero nakahanap kami ng upuan sa may glass window. Nakakasilaw ang tindi ng sikat ng araw sa mga nakahilera na Honda Civic at Rav4. Umorder si Crystal ng baked macaroni at orange juice. Pineapple juice at garden salad naman ang sa akin.

"Iyan lang ang o-orderin mo?" puna niya.

"Oo," sabi ko. "Busog ako."

"So," simula niya nang makaalis na ang waiter. "Kamusta na ang girl most likely to succeed ng Batch `85?"

Ang totoo niyan, kayod-kalabaw ka kung hindi ka kasing-ganda ni Cindy Crawford, kasing-bitchy ni Jessica Zafra, o kasing-lakas ni Kris Aquino para lang magkaroon ng fighting chance.

Napatawa ako sa loob-loob ko. Yeah right. The girl most likely to succeed. Ang totoo niyan, kayod-kalabaw ka kung hindi ka kasing-ganda ni Cindy Crawford, kasing-bitchy ni Jessica Zafra, o kasing-lakas ni Kris Aquino para lang magkaroon ng fighting chance. Sasabihin ko na sana na wala namang kakuwento-kuwento sa buhay ko nang makita ko ang mga kamay ni Crystal na nakapatong sa lamesa. Kahit hindi ko iyon nahahawakan, sigurado kong malambot iyon at alaga sa lotion. Bagay na bagay ang prostitute red manicure niya sa kutis niyang pang-Block & White commercial sa puti.

"Wala naman," sambit ko. "Same old thing. A different boyfriend every two months. Magwo-work kung kelan ko gusto. Hakuna matata."

"Gan'on?" Parang nagdududa pa siya nang kaunti. "Buti ka pa. Ako, `eto. Nasa anino pa rin ni papa at ni Robert. Nakakasawa na nga minsan, eh."

Nagsikip bigla ang dibdib ko. Si Robert. Medyo nakalimutan ko na ang damuhong iyon. Oo nga pala. Siya nga pala ang inasam-asam ko mula elementary na nagkagusto sa iba. Dear Robert, I don't even know if I'm doing the right thing, you know. All I know is I want you to know how much I like you. Period.

Yuck. Hindi pala lahat ng high school memories, nakaka-miss. Buti na lang dumating na ang order namin. Tinuhog ko ng tinidor ang isang pirasong cabbage.

"So," tanong ko. "Kamusta na kayo?"

"Okay lang," sagot niya. "We're practically engaged."

"Yeah?" sabi ko. Patay kang sliced tomato ka . Tuhog. Nguya, nguya. "That's good. Why not get married soon?"

"Huwag muna," sagot niya. "Gusto ko pang ipagpatuloy ang Masterals ko sa New York. Tutal, pumayag na ang papa."

"Oh," sambit ko. Tuhog, mga kapatid!

"Remember when we would all dare you to write a poem at the snap of a finger and you will?" tanong niya.

Ngasab. "Uh-huh?" Ngasab.

Akala ko nuon, I'm as good as anyone else, if not better. But ten years have taught me that it doesn't matter if I know what I want in life. Other people will always be given the breaks.

"Ang galing-galing mo talaga."

Lunok.

"So what else have you been writing nowadays?"

"Stuff," sagot ko. "Karamihan personal. Ayaw ko kasing pino-prostitute ang pagsusulat ko, eh."

"Kaya naman hanga ako sa iyo, eh," sabi pa niya. "You always seem to know what you want in life. Sigurado ka, matapang."

Hindi ako makapagsalita. Pinaikot-ikot ko ang natitirang bell pepper sa plato ko. Actually, Crys, hindi iyan katapangan. Takot. Akala ko nuon, I'm as good as anyone else, if not better. But ten years have taught me that it doesn't matter if I know what I want in life. Other people will always be given the breaks.

"Hey," puna niya, nang maalala ang mga binili namin. "Para saan nga pala iyong canned red beets mo? `Di ba mapait `yon?"

"Sa simula lang," sagot ko. "After a while, wala nang lasa. Okay lang, kasi healthy naman. Eh ikaw," nanunukso ako. "Hanggang ngayon, solid ka pa rin sa dill pickles. Eh nuno ng asim iyon, `di ba?"

"Hindi naman," sabi niyang napapatawa sa expression ng mukha ko. "Kapag nakahanap ka ng good quality, manamis-namis."

"Listen," sabi ko. "Thank you for inviting me to lunch."

"It's been a long time," sabi niya.

Magtatapat na sana ako. Crys, my life sucks. Pero bigla na lang may tumunog na theme song ng Arabian Nights. Napa-piglas si Crystal.

"Ay! That's Robert. I'm supposed to meet him nga pala at the Townsquare at 1:30 p.m.!"

Tumingin ako sa relos kong galing pa sa lola ni Kopong-Kopong. 1:30 p.m.

"Sorry I have to go," sabi niya. "It was nice seeing you, Heidz." May hinagilap siyang card sa kanyang leather purse. Binigay sa akin. "Hey, give me a call sometime, `kei?"

"Yeah. You too," sabi ko. "You too."

Nakaalis na si Crystal pero nanatili pa rin akong nakaupo sa coffeeshop. Napansin kong gaya ng dati, hindi na naman niya naubos ang macaroni niya. Ni hindi man lang halos nagalaw. Bigla, pakiramdam ko, para akong nadaya.

"Oh, well." sabi ko sa sarili ko. "That's life."

At tinuhog ko ang baked macaroni ni Crystal. At nginuya nang nginuya.

© Michelle Tandoc-Pichereau

back to toptop | about the author



powered by
FreeFind
Red Beets and Dill Pickles
by Michelle Tandoc-Pichereau

Grand Canyon Blues
by Remé Grefalda
  poems | essays | short stories
from the editor's laptop | welcome reader | frontispiece
books | links | archives | index to issues | readers
about us | current issue