home
from the editor's laptop
welcome readerpoemsessaysshort storiesbibliographybookslinksarchivesindex to issuesOOV readersabout us / submitcurrent issue

 

Ang Tagahanga ni Alice

Sa Good Morning Bazaar, laging aali-aligid si Mr. Yu, pamasid-masid sa mga despatsadora, sa mga mamimili, palapit-lapit sa kaha, sa ginagawa ni Alice.

Ang sabi sa kanya ni Mr. Yu, Oy Alice, gusto ka Mang Benito. 

Na narinig ng kanyang mga kasamahan na agad siyang binalaan.  Naku, Alice, mag-ingat ka.  Namber tu ang labas mo, me asawa 'yan.

Pinakamaganda si Alice sa lahat ng mga empleyada ni Mr. Yu, may-ari ng Good Morning Bazaar sa Carriedo.  Nag-iisa siyang kahera ng tindahan na bagama't masasabing malaki na rin ay hindi pa sumusunod sa kasalukuyang kalakaran ng mga makabagong mangangalakal na Intsik.  Sa Good Morning Bazaar, laging aali-aligid si Mr. Yu, pamasid-masid sa mga despatsadora, sa mga mamimili, palapit-lapit sa kaha, sa ginagawa ni Alice.

Hindi naman nababahala si Alice sa ginagawa ng may-ari.  Alam niya ang kanyang ginagawa.  Nakaabot siya ng dalawang taon sa kolehiyo, hindi nga lamang nakapagpatuloy dala ng kahirapan.  Kayang-kaya niya ang magkahera at hindi ang trabahong ito ang pinapangarap niyang maging opisyo habang buhay.

Gusto kong yumaman, lagi niyang sinasabi sa mga kasamahan.

Mag-asawa ka ng mayaman, sabi naman ng mga ito.

Saan ako makakakita ng mayaman o sinong mayaman ang makakakita sa akin dito sa Carriedo, tanong niya.

Maraming businessmen na Intsik dito.  Gusto ng Intsik, e, Intsik din, di ba?

Hindi naman ako purong Intsik, sagot niya.

Ang ina ni Alice ay isang Pilipina, taga-Norte.  Purong Intsik ang tatay niya, na ang trabaho ay humango at magrasyon ng mga iba't ibang diyaryo at babasahin.  Ang mga nakatatandang kapatid ni Alice ay nagtapos lamang ng high school, nag-asawa agad, namasukan sa mga pabrika ng Intsik. 

Pero iba si Alice.  Pinilit niyang makapasok sa kolehiyo.  Kahit hindi siya nakatapos, alam niyang iba pa rin ang magiging tingin sa kanya ng iba dahil nakatuntong siya ng pamantasan.  Iyon na nga ang dahilan kung bakit naging kahera siya ni Mr. Yu sa halip na despatsadora lamang. 

Nakita tuloy siya ni Mang Benito.  Na pagdating na ng hapon bago sila magsara ng tindahan at mag-uwian, makikita na niyang kausap ni Mr. Yu.  Patingin-tingin sa kanya.  Alam niyang siya ang pinag-uusapan.

Hanggang sinabi na nga ni Mr. Yu na gusto siya ni Mang Benito.  Na agad niyang sinagot nang pabiro, dahil nabibiro niya si Mr. Yu.  Mayaman ba si Mang Benito?

Tumango si Mr. Yu.  Maraming tindahan si Mang Benito.

Tumawa si Alice.  Aba, e baka pwedeng bigyan niya ako ng isa, sabihin nyo sa kanya.  Babayaran ko.  Hindi libre.  Basta hulugan lang.

Nagulat na lamang si Alice nang sa paglalakad niya sa may harap ng simbahan ng Quiapo ay may sumabay sa kanya.  Si Mang Benito.  “Alice,”  bati nito.

Kinabahan din si Alice.  Nabigla sa pagkakita kay Mang Benito.  “O,  ba't naglalakad kayo.  Nasa'n ang sasakyan n'yo?”

Naalaala niya ang sinabi ng mga kasamahang despatsadora.  Number tu ang labas mo, Alice.  Me asawa na 'yan.

Lumingon sa gawing gilid ng simbahan si Mang Benito.  “Du'n.  Hinahabol nga kita.  Pwede bang maihatid ka sa inyo?”

Hindi kaagad nakasagot si Alice.  Tinawag ang kanyang pansin nang matuwid na pananagalog ni Mang Benito.  Hindi katulad ni Mr. Yu na parang telegrama kung magsalita ng tagalog.

“E,  kung sabihin ko hong hindi pwede...”  nakangiti si Alice,  malumanay ang tinig ngunit naroon ang pahiwatig ng katarayan.  Naalaala niya ang sinabi ng mga kasamahang despatsadora.  Number tu ang labas mo, Alice.  Me asawa na 'yan.

“May magagalit ba?  May boyfriend ka na ba?” deretso ang tanong ni Mang Benito.

Hindi sinungaling si Alice at wala siyang boyfriend.  Prangka siyang tao at hindi ugali ang makipagbolahan.  “Wala ho,”   sagot niya.

“Bakit ayaw mong magpahatid?”

Huminto sa paglalakad si Alice. “May asawa kayo,  Mang Benito. At dalaga ako. Ayokong matsismis.”

Tumigil din sa paglalakad si Mang Benito.  “Gusto ko lamang makipagkaibigan sa iyo.  Wala akong masamang …”  saglit  na nag-isip si Mang Benito, “hangarin.”

“Bakit naman ninyo gustong maging kaibigan ako,”  muli lumakad si Alice.

“Sabi ni Mr. Yu, narinig daw niya, gusto mong yumaman.”

Muling napahinto sa paglalakad si Alice.   “Ano hong koneksiyon nu'n?”

Ngumiti si Mang Benito.  “Gusto ko ang mga taong alam ang gusto sa buhay.  Hanga ako sa mga babaing gustong yumaman.  Lalo pa ang isang dalaga na nanghihingi ng tindahan at nangangakong ito'y babayaran.”

Pinamulahan ng mukha si Alice.  “Sinabi ni Mr. Yu!”

“Wala namang masama doon.  Totoo ba sa loob mo ang iyong sinabi?”

“Ang pagyaman?”  tanong ni Alice.  “Totoo ho.”

“May gusto lang akong malaman, Alice.  Bakit naman gusto mong yumaman?” seryosong tanong ni Mang Benito.

Napansin ni Alice nakatigil sila ni Mang Benito sa bangketang makalampas sa malaking botika sa Plaza Miranda.  Panay ang daan ng mga dyip na puwede niyang sakyang pauwi sa kanila.  Nagdadalawa ang kanyang isip kung sasakay na siya.  Nag-aalala siyang sumamang sumakay si Mang Benito, hindi naman niya mapipigil ito.  O sagutin ang tanong nito, baka magpaiwan na matapos niyang sagutin.

Kaya ginanahang lalo si Alice na sabihin ang mga nasasaloob.  Wala pa siyang nakausap na tao na handang makinig sa kanyang mga pangarap.

Binalingan niya si Mang Benito.  Tipikal na Intsik si Mang Benito.  Maputi, hindi kataasan, singkit, ngunit may pagkaguwapo kahit may edad na.  Gusto nga kaya siya nito bilang kaibigan lamang o may ibang interes ito sa kanya.  Walang maniniwala sa tindahan na walang intensiyon sa kanya si Mang Benito.  Matay man niyang isipin hindi rin kapani-paniwala.  Ngunit sa kanyang pakiramdam wala naman siyang nadaramang pagkabahala.  Naisip niyang ang dahilan marahil ay dahil alam niyang hindi siya papatol dito.  Ganoon niya kakilala ang kanyang sarili.

Hinarap niya nang husto si Mang Benito.  “Sino ho bang ayaw yumaman?  Iyong mayayaman nang tunay, halos sobra-sobra na ang kayamanan, gusto pa ring lalo pang yumaman.   E, di lalo't higit ang mahihirap, talagang gustong magkapera.  Tulad ko.  Ang tatay ko, magdidiyaryo.  Wala kaming sariling bahay nangungupahan lang.  High school lamang ang tinapos ng mga kapatid ko.  College drop-out ako.  Gano'n lang ang mga trabaho nila, suweldo ko kay Mr. Yu,  pagkain lang namin, pamasahe ko.  Walang kuwentang buhay,  Mang Benito.  Kaya ang gusto ko magkaroon ng sariling negosyo.  Iba ang negosyo.  Kapag masipag ka at matalino sa pagpapatakbo nito, tiyak na aasenso ka.  Walang paltos iyon.  At kung may negosyo ako, matutulungan ko ang aking pamilya na bigyan din sila ng negosyo para yumaman din sila.  Kung mayaman na kaming lahat, makatutulong din kami sa iba.  Simple lang, Mang  Benito.”

Tumatangu-tango si Mang Benito habang siya'y nagsasalita.  Kaya ginanahang lalo si Alice na sabihin ang mga nasasaloob.  Wala pa siyang nakausap na tao na handang makinig sa kanyang mga pangarap.

“Gusto ko'y isang hardware store.  Kahit maliit lang, pang-umpisa.  Doon sa Divisoria.  Para sa aking mga magulang.  Alam kong ito ang gusto ng aking tatay.  At kaya niya.  Problema nga lamang ang kapital.”

“Alice, kung bigyan kita ng kapital...”

Napatitig si Alice kay Mang Benito.  Sa unang pagkakataon nakaramdam siya ng pangamba.  Na kung saan na tumutungo ang kanilang usapan.  “Ano ho ang kapalit?”  naisip ni Alice, mabuti na ang maliwanag na usapan.

“Kayang-kaya mong ibigay, kung gugustuhin mo,”  nakangiti si Mang Benito.

“Kung gugustuhin ko.  E, kung hindi ko ho gusto,”  agaw niya.  Naglaro sa isipan ni Alice ang maaaring mangyari, na mangyayari lamang kung gugustuhin niya.  Magkakaroon ng sariling negosyo ang kanyang pamilya, siya ang kapalit.  Namber tu ni Mang Benito.  Bibigyan siguro ng sariling bahay.  At negosyo.  Pero namber tu.  Nakadama siya ng matinding pagtutol.  Hindi.  Hindi niya matatanggap.

“Mang Benito!”

“Sandali, Alice.  Magaan lang ang kondisyon.”

Umiling siya.  “Hindi ho.”

Hinawakan ni Mang Benito sa bisig si Alice.  “Makinig ka, Alice.  Tutulungan kitang mangutang sa bangko.”

“Wala ho akong pang-collateral,”  ibinaba ni Alice ang tingin sa kamay ni Mang Benito na nakahawak sa kanya.

“Hindi maaaring bigay lang nang bigay nang walang kapalit.  Masama sa negosyo 'yan.  Pero ang gusto kong kausap ay ang mga magulang mo.”

Binitiwan ni Mang Benito ang bisig ni Alice.  “Makinig ka, Alice,”  ulit nito.  “Gagamitin natin ang pangalan ko.  Kaya magkakaroon ka na ng kapital.  Tutulungan din kitang mag-umpisa.  Ipakikilala sa mga dapat mong makilala na pagkukunan ng paninda.  Pero may kondisyon.”

Heto na, naisaloob ni Alice.  “Ano ho 'yon?”

“Kailangang hinding-hindi ka papalya sa pagbabayad sa bangko.  Diyan papasok kung mabuti kang negosyante.  Ang sa akin ay pagtulong lamang.”

Hindi makapaniwala si Alice sa narinig.  “Iyon lamang ho ang kondisyon?  Walang ibang kapalit?”

“Siyempre,  meron pa,”  sagot ni Mang Benito.  “Hindi maaaring bigay lang nang bigay nang walang kapalit.  Masama sa negosyo 'yan.  Pero ang gusto kong kausap ay ang mga magulang mo.”

Dismayado si Alice sa sinabi ni Mang Benito.  Sinasabi na nga ba niya.  It's too good to be true.  Huminga siya nang malalim.  “Mang Benito... anumang sasabihin ninyo sa mga magulang ko ay maaari kong sagutin sa pag-uusap nating ito.  Lalo't tungkol sa akin.  Hindi na kayo kailangang makipagkita sa kanila.”

Dumilim ang mukha ni Mang Benito.  Sunud-sunod ang ginawang pag-iling.  Iba na ang tinig nang magsalita.  “Alice, masamang ugali ang walang respeto sa magulang.  Ang mga Pilipino at Intsik, kilala sa pagrespeto sa matatanda.  Bakit ayaw mong ipakausap sa akin ang mga magulang mo.  Mabuti ang aking intensiyon.  Alam ni Mr. Yu.  Sa kanya ko unang sinabi na gusto kita.”

“Mang Benito!” bulalas ni Alice, sabay hakbang paalis.

“Guwapong anak ko, Alice. Magugustuhan mo,” naghahabol ang tinig ni Mang Benito.

Napahinto si Alice.  “Anak n'yo?  Guwapo?”  ulit niya.

Tumango si Mang Benito.  “Mabait pa si Benjie, masipag, mahusay sa negosyo.  At importante, may respeto sa magulang.  Sinabi sa akin, sige, mamili raw ako para sa kanya.  Kondisyon lang ay kailangang magugustuhan din niya.  Alam ko, magugustuhan ka niya, Alice.  At pag nakasal kayo, bibigyan kita ng sarili mong hardware store.”

Hindi napigilan ni Alice ang kanyang ngiti. “Mang Benito, kung magugustuhan niya ako... at magugustuhan ko naman siya, saka na kayo magpunta sa aming bahay...” at sumakay siya sa nagdaang dyip. Naiwan sa bangketa ang kanyang manliligaw, na iba pala ang inililigaw. Nakangiti rin.

Editor’s note: Reprinted from Liwayway, June 8, 1992 with permission from the author.

© Evelyn Sebastian

back to toptop | about the author



powered by
FreeFind


Ghosts of Wan Chai
by Dean Francis Alfar

Ang Tagahanga ni Alice
ni Evelyn Sebastian
  poems | essays | short stories | bibliography
from the editor's laptop | welcome reader | frontispiece
books | links | archives | index to issues | readers
about us | current issue