Our Own Voice May 2013home
from the editor's laptop
welcome readerpoemsessaysshort storiesreadingsportrait of an artistbooksarchivesindex to issuesabout us / submitcurrent issue

 

Excerpt

Biyenan at Manugang

Nasisiyahang pinagmasdan ni Loreta ang chocolate cake sa loob ng oven. Natitiyak niyang ekselente na namang lalabas ito. Katamtaman ang pagkaalsa, pino ang texture at talagang moist as a chocolate cake should be. Hindi dry at nakahihirin. At hindi malabo na sumasabog kapag naduro ng tinedor. Naisip niya. Matutuwa na naman si Dodong. Paborito nito ang chocolate cake. Mula pa nang ito’y isang batang paslit, lagi nang may chocolate cake siyang ginagawa tuwing kaarawan nito. At kaarawan ngayon ni Dodong. Dalawampu’t limang taon na si Dodong. Nais nang mag-asawa.

Ang himig ng pagkasalita ni Dodong ay may inihatid na kaba sa kanyang dibdib. Sinong babae ito na napili na ng kanyang anak?

Natatandaan niya, sinabi nito. “Gusto kong makita mo siya, Ma.”

Tumawa siya. “Upang makilatisan?”

Inakbayan siya ni Dodong. “Nakilatisan ko na siya, Ma. At pinili.”

Ang himig ng pagkasalita ni Dodong ay may inihatid na kaba sa kanyang dibdib. Sinong babae ito na napili na ng kanyang anak? Na wari, wala nang makahahadlang.

“Kilala mo naman siya, Ma. Madalas ko nang maikuwento sa iyo. Si Linda.”

Si Linda. Bukambibig ni Dodong. Sinong Linda ito na di pa man, ay waring naglalagay na ng guwang sa pagitan nilang mag-ina?
“Maganda ba siya?” tanong niya.

Kumislap ang mga mata ni Dodong. “Nakita mo na siya sa larawan ng grupo namin. Maganda. At di lamang maganda, dahil marunong pa rin. Masarap na kausap. Wide reader. Mahilig sa arts. Tumutugtog ng piyano. At classical guitar.”

Ang kaba ay nagbinhi ng takot. Si Linda. Wari ay isang formidable daughter-in-law to be. Ang takot ay iwinaksi, dinaan niya sa biro. “Aba, si Dodong ko naman ay guwapo, cum laude nang magtapos sa kolehiyo, kasama sa top ten sa Board, up-and-coming executive sa kompanya, mahusay na swimmer at… at…”

“Matakaw!” agaw ni Dodong.

Nagtawanan silang mag-ina. Nang bigla, naalaala niyang itanong. “Magaling ba siyang magluto?”

Doon, nagbibirong itinirik ni Dodong ang mga mata. Ang kasiyahang nadama niya ay hindi na niya pinagkaabalahang unawain.

At ito si Linda. Ang kanyang mamanugangin. Maganda, matalino, ngunit hindi marunong maglutong katipan ni Dodong. Inasikaso niyang mabuti ito sa pagkain. Panay ang abot niya ng asadong dila.

“Weakness ito ni Dodong,” aniya.

Nginitian nito si Dodong. At kinindatan ito ni Dodong. Sa pakiramdam ni Loreta, nag-iisa siya sa harapang iyon. Ngunit ang naligaw na kirot ay iwinaksi niya. At muli, inabutan niya ng ulam si Linda. “Ito’y sinigang na ulang sa kamyas. Resipe ito ng biyenan ko.”

Nang waring nag-atubili si Linda ay kaagad niyang sinabi. “Hindi ka ba kumakain ng lutong probinsiya?”

Na hindi nito sinagot. Sa halip, kumuha na lang ito ng inialok niya.

Nang umalis sina Linda at Dodong ay inihatid niya ang dalawa hanggang sa pagsakay sa kotse. At inunahan na niyang niyakap si Linda, hinagkan sa pisngi, at kanyang sinabi. “Natutuwa akong ikaw at si Dodong, Linda…”

Niyakap rin siya at hinagkan ni Linda. Ngunit wala itong sinabi. Maliban sa pasasalamat sa isang masarap na hapunan.

Matalino si Linda. At babae. At sapagkat kapuwa sila babae ay kapuwa nila talos ang tunay nilang nadarama para sa isa’t isa. Para kay Linda, siya ay isang karibal sa pagmamahal ni Dodong. Iba man ang pagmamahal sa ina, para dito, siya ay isa pa ring kaagaw. Si Dodong ay nag-iisang anak na lalaki. Marami nang taong ulila sa ama, kaya ang pagmamahal ay buhos na buhos sa kanya. Kung paanong buhos na buhos ang loob at pag-aasikaso niya rito. Ang dalawang kapatid na babae ni Dodong na nakatatanda rito ay kapuwa nasa Amerika at may kanya-kanya ng pamilya.

Hindi siya magiging katulad ng kanyang sariling biyenan. Gunita na lamang nito ay may ginigising pang hinanakit at sakit ng loob sa kanyang kaibuturan.

At para naman sa kanya, ina sa kaisa-isang supling na lalaki na sula ng kanyang mga paningin, ano? No woman is good enough for her son. Kahit na kasing-ganda at kasing-talino ni Linda. Ngunit sa kabila nang lahat, alang-alang kay Dodong, siya ay nakahandang magmahal at tumanggap sa isang babaing magiging kahati niya sa pagmamahal at atensiyon ni Dodong.

Kanyang napagpasiyahan. Siya, si Loreta, ay magiging isang mabuting biyenan. Isang ulirang biyenan. Isang huwarang biyenan. Hindi siya magiging katulad ng kanyang sariling biyenan. Gunita na lamang nito ay may ginigising pang hinanakit at sakit ng loob sa kanyang kaibuturan.

Noon. Bagong katatapos nila ng pag-aaral ng ama ni Dodong nang sila ay magtanan. Ang kanyang biyenan. Sa mahinay na pagsasalita. Bahagya pang nakangiti. “Saan ninyo balak tumira?”
Wala pang hanap-buhay si Ben. Kasalukuyan pang naghahanap. “Gusto sana ni Loreta… sa kanila muna…”

Tumaas ang kilay ng kanyang biyenan. “Sa probinsiya? Paano ang paghahanap mo ng trabaho?” Naroon pa rin ang malumanay na pagsasalita.

Tumingin si Ben sa kanya. “Uuwi sa hapon. Malapit lang ang kanila.”

Umiling ang kanyang biyenan. “Mapapagod ka. Baka ka pa magkasakit. Dumito kayo at walang problema.”

Kiming nakisagot siya. “Kasi ho, may offer na trabaho sa akin sa probinsiya. Isang teaching job. Sayang naman kung palalampasin namin.”

Ngumiti ang kanyang biyenan. Inakbayan siya. “Iha, dumito muna kayo. Hayaan mo na ang offer na trabaho sa iyo. Si Ben ang kailangang magtrabaho. Siya ang lalaki. Siya ang padre de pamilya. At saka masamang hitsura na ikaw pa ang susuporta sa aking anak, lalo’t hindi kaagad siya makakuha ng mapapasukan. Gusto mo ba iyong parang bumababa ang kanyang pagkatao?”
Kinagat niya ang kanyang labi. Umiling siya. Hindi. Ayaw niyang mangyari iyon kay Ben. Mahal na mahal niya si Ben. At tumango siya. Oo. Pumapayag na siya. Doon muna sila ni Ben.

Sa piling ng kanyang mga biyenan.

At hipag at bayaw.

Mabait naman ang pamilya ni Ben. Kaya lang…

Kaagad siyang naglihi sa panganay nila ni Ben. At sa paglilihi, ang pagsama ng pakiramdam ng katawan, pagiging maramdamin, matamarin, pagkaiyakin.

“Ate, bangon na raw,” sabi ng kanyang nakababatang hipag.”

“Masama ang katawan ko,” sagot niya.

“Sabi ng Nanay, tuturuan ka raw niyang magluto. Tanghali na raw.”

Masama ang loob, mangiyak-ngiyak, susunod siya. At naroon ang kanyang biyenan, na nadiskubreng hindi pala siya marunong magluto. Dahil nang dalaga pa ay patulung-tulong lamang siya sa kanila, hindi lubos na napag-isa.

At ang sabi pa sa kanya. Bawa’t nangungusina, kani-kanyang pamamaraan. Ganito ang gusto ko. Ganito ang hiwa ng kamatis, ganire ang hiwa ng sibuyas. Iba ang hiwa ng patatas sa torta, iba ang hiwa sa picadillo. At ang isinasarap ng ginigisang baboy o manok o karne ay nasa sa pagsasangkutsa. Ano ba ang sangkutsa? Taga-probinsiya ka, hindi mo alam. Ang totoo’y alam naman niya.

Ipinanganak niya ang kanilang panganay ni Ben. Aakalain ba niyang wala siyang maipasusuong gatas, gustuhin man niya, sangkamaw mang sabaw na puno ng dahong malunggay ang kanyang higupin araw-araw.

Iiling ang kanyang biyenan. At sasabihin. Kaya iba ang singaw ng mga kabataan ngayon, hindi gatas ng ina ang nasususo. Mahina ang mga tiyan. Madaling magkurso. Maraming singaw sa katawan. At ano bang kalintikan ‘yang DPT at anti-polio inoculation na ‘yan? Nu’ng panahon namin, pupurgahin lang ng kinatas na murang dahon ng ampalaya, iige na ang bata.
At sa bawat kilos niya: Hindi ganyan ang pagtitiklop ng lampin. Hindi ganyan ang paglalagay ng bigkis. Ano ba ‘yang cereal na ipinakakain mo? Ba’t di maglugaw ka na lang at iyong am ang iyong ibigay. Mas masustansiya pa.

Mabait naman kung tutuusin ang kanyang biyenan. Marami siyang natutuhan dito. Kaya lang… maraming mga luha, hinanakit, sama ng loob, pagdaramdam ang tiniis niya sa pakikisama rito.

Kalaunan. Ikukula mo ang puti. Bakit namamanhid ang iyong pinalantsa. Bilasa ang nabili mong isda. Matigas ang iyong pagkapirito. Paksiw ba ito o sinigang, karaming sabay. Nadami’ng suka ng iyong adobo, kaasim. At ganito at ganoon.
Hindi na siya nakatiis. Nagreklamo siya kay Ben. Sinabi niyang nais niyang mag-opisina o magturo, umalis ng bahay, dahil naiinip siya. Ang totoo, hindi lang niya masabi, baka siya maluka sa kunsumisyon sa ina nito. Aakalain ba niyang nakatagpo agad siya ng trabaho at nakakuha agad ng katulong. Niyaya niyang humiwalay si Ben. At pumayag ito. Kaya lang, sa isang apartment na malapit sa kanyang biyenan.

Heto na. Iba naman. Sabi ng kanyang biyenan. Ang tamad ng katulong mo, tuturuan mo. ‘Oy, Loreta, laging may sipon ‘yang anak mo, napapabayaan. Kasunod ang iling, ‘yan ang hirap sa nagtatrabaho ang ina. Walang wawa ang pamamahay.

At ganito at ganoon ulit. Hanggang ipanganak niya ang isa pang babae at ang bunsong si Dodong. Hanggang makapagpatayo sila ng sariling bahay na malayo sa kanyang biyenan. Hanggang bawian ng buhay ang mga ito, at si Ben ay na-stroke nang nasa haiskul si Dodong.

Mabait naman kung tutuusin ang kanyang biyenan. Marami siyang natutuhan dito. Kaya lang… maraming mga luha, hinanakit, sama ng loob, pagdaramdam ang tiniis niya sa pakikisama rito. Wala siyang nasilip ni katiting na pagtingin nito sa kanya. Si Ben lamang ang tinitingnan nito. Isa siyang estranghero. Hindi kapamilya. Bakit kailangang maging ganoon?
Noon pa lamang, nabuo na ang kanyang pasiya. Kapag dumating ang sandali ng pag-aasawa ni Dodong, hindi siya magiging masamang biyenan sa kanyang manugang.

Alam niya: matapos makasal, gusto ni Linda na magsarili sila ni Dodong. Kung tutuusin ay di naman siya magiging problema. Katagal nang niyayaya siya ng dalawang anak na babae na bumisita sa Amerika. Tumira dito. At kapag nagustuhan niya, ipe-petisyon siya. Lalo nang iplano ang pag-aasawa ni Dodong. Sunud-sunod ang sulat ng mga ito. Dear mother-in-law to be: It’s time to pack your bag. Iwanan ninyo sina Dodong at Linda. Remember, iyong mga kuwento mo sa amin tungkol sa biyenan at manugang. Kaya nga kami narito sa Amerika. Dito na kayo sa amin… okey ka naman sa aming mga husbands….

Ngunit ayaw niyang umalis. Nais niyang ipakita sa lahat, at higit sa kanyang sarili, na siya ay magiging huwarang biyenan.

Kapuwa nagtatrabaho sina Dodong at Linda. Kaya nagulat siya isang umaga nang magisnan na niya sa kusina si Linda, kausap ang kanilang katulong.

“Aga mo, iha,” kanyang bati.

Ngumiti si Linda. “Ihahanda ko ho ang almusal natin. Ang gusto pala ni Dodong ay…”

Hinawakan niya sa bisig ang manugang. “Bumalik ka kay Dodong. Ang aga-aga pa. Ako ang bahala sa gusto ni Dodong. Sige…” pagtataboy nito.

At hindi niya pinabayaang magtrabaho si Linda. Hindi niya pinayagang magsilbi ito kay Dodong. Ako ang bahala. Sige lang kayo riyan.

Minsan, itinatanong ni Linda kung paano ang pagluluto ng asadong dila, ang weakness ni Dodong. Saka ko na ituturo, ang sambot niya.

Hindi niya akalaing mag-aral magluto ng cakes and pastries si Linda. Dahil sa paboritong chocolate cake ni Dodong. Tulad nang dapat asahan, ang unang chocolate cake ni Linda ay malabo, sumasabog kapag tinusok ng tinedor. At nakahihirin.

“Nakakahiya,” sabi ni Linda.

“Talagang ganyan,” pang-aaliw naman niya. “Kalimutan mo muna ang pagbe-bake. Ako na ang bahala rito.”

Humanap ka man ng biyenan, wika nga’y magpagawa ka man ng biyenan, wala ka nang makikitang katulad niya, kanyang naisaloob. Hindi pinagagawa ang manugang. Hindi pinipintasan ang maling nagawa ng manugang. Aba, parang boarder si Linda sa kanila. Walang iniintindi.

Wala siyang tangkang makinig. Ngunit parang umiiyak si Linda, waring nagsusumbong kay Dodong. “Para akong boarder dito. Walang ginagawa. Parang tau-tauhan. Walang iniintindi.”
Tinig ni Dodong. “Ganoon lang ang Mama. Gusto lang niyang makatulong.”

“Hindi,” mariing wika ni Linda. “Babae ako at naiintindihan ko siya. Gusto niyang masabing mabait siyang biyenan. Oo. Mabait nga siya. Pero, maling kabaitan. She’s doing it all wrong. Nang dumating ako rito sa inyo;, nakahanda akong mahalin siya, sapagkat mahal kita. Alam ko ang kasabihan tungkol sa biyenan at manugang, and I came prepared. Ang Mommy ko at biyenan niya, magkasundo. At aral ako sa Mommy ko. Pero nasisira ako sa Mama mo. Ayaw niya akong bigyan ng pagkakataong maging anak o manugang. Para akong boarder… Ni hindi ko alam kung ilan ang pantalon mo. Kung paano tiklupin ang mga sando mo. Kung ano ang sukat ng gagawing polo mo. Panay siya ang bahala. Siya. Siya. Siya. Ako’y walang silbi! Ako’y walang bilang!”
Napahagulgul ng iyak si Linda. Ang maganda, marunong, katangi-tanging si Linda. Maalam tumugtog ng piyano at gitara. Ngunit ang tanging gusto ay ang makapaglingkod sa asawa. Maging bahagi ng pang-araw-araw na buhay nito.

Nagmamadaling tumalilis si Loreta. Iniwan niya ang umaalong tinig ni Dodong. Sa kanyang puso, nais lamang niyang maging mabuting biyenan. Taliwas sa kanyang sariling biyenan. Nakalulungkot, ngunit inaamin niya, ngayon, na mali ang kanyang pamamaraan.

Naalaala niyang bigla ang katatanggap na sulat buhat sa Amerika. Ang pagsang-ayon na lamang raw niya ang hinihintay para maayos ang mga papeles. Naisip niya, bakit hindi? Kay tagal na niyang hindi nakikita ang dalawang anak at ang mga apo rito. Masarap siguro sa Amerika.

Bakit nga ba hindi?

Editor’s note: Reprinted with permission from the author. First featured in Liwayway, Mayo 19, 1986

© Evelyn Estrella Sebastian

back to toptop | about the author



powered by
FreeFind
Biyenan at Manugang
ni Evelyn Estrella Sebastian

Darcy and Vicky
by Seb Koh
poems | essays | stories | portrait of an artist
from the editor's laptop | welcome reader | books | frontispiece
archives | index to issues | readers | about us
| current issue |