home
from the editor's laptop
welcome readerpoemsessaystalesportrait of an artistbibliographycurrent issue books Current Issue

 

Talinhaga ng Apat na Magkakapatid na Lalaki

Nang panahong naghahari pa si Rajah Solayman sa Maynila, may isang mayamang lalaki na nagdesisyong lumipat at manirahan sa ibang lugar. Bumili siya ng malawak na lupain sa paanan ng Bundok Cordillera, hilaga ng Maynila. Hinati niya ang lupain upang ipamana sa kanyang apat na anak na lalaki.

Natalo na ng mga damo at tinik ang mga halamang monggo sa kanyang taniman. Wala siyang inani sa binhing inihasik.

"Maaring anumang sandali ay pumanaw na ako. Narito ang lupain, taniman' at pagyamanin ninyo para may ikabubuhay kayo. Maasahan pa rin ninyo ang aking tulong habang ako'y may buhay pa."

Ang panganay na anak ay nagtanim ng monggo sa kanyang lupain. Sa isip niya, halamang mabilis tumubo at mamunga ang kailangang itanim, kapos daw kasi siya sa panahon. May taglay na katamaran ang panganay. Sa halip na asikasuhin ang taniman ay nakikipag-inuman siya ng tuba. Magdamag pang nakikipagkuwentuhan sa mga kaibigan. Nang magkaroon siya ng asawa at mga anak, madalas pumupunta na lamang siya sa kanyang ama para doon makikain ang pamilya. Halos ubusin nga niya ang mga natitirang yaman ng kanyang ama. Natalo na ng mga damo at tinik ang mga halamang monggo sa kanyang taniman. Wala siyang inani sa binhing inihasik. Naiwang tigang at tuyot ang kanyang lupa habang nagpapatuloy siya sa kanyang mga bisyo.

Ang pangalawang anak na lalaki naman ay nagtanim ng palay. Bago pa sumikat ang araw ay pumupunta na siya sa kanyang lupain upang ayusin ang pilapil at patubigan nito. Buong sipag at tiyaga niyang inalagaan ang kanyang mga palay. Sa loob ng isang taon, umaani siya ng maraming bigas upang ipagbili. Lumago ang kanyang kabuhayan kaya nga masayang-masaya ang kanyang may-bahay at mga anak.

Bago tumilaok ang
mga manok ay nakikita na siya sa taniman
at binubunot ang mga damong pilit na sumasabay sa paglaki ng kanyang mga mais.

Ang pangatlong anak na lalaki ay nagtanim ng mais. Magandang klase ng mais ang kanyang itinanim, napakadilaw ng laman, mabango at matamis ang bunga. Bago tumilaok ang mga manok ay nakikita na siya sa taniman at binubunot ang mga damong pilit na sumasabay sa paglaki ng kanyang mga mais. Lumago ang kanyang taniman at marami ang bumibili ng kanyang mais. Naging masaya rin ang kanyang asawa at mga anak.

Ang bunsong anak na lalaki ay nagtanim ng ubas. Hindi madali ang gumawa ng ubasan. Sipag at tiyaga ang kailangan. Maraming araw ang ginugol niya sa pagtatayo ng mga balag na gagapangan ng ubas. Nang tumubo na at lumaki ang mga ubas, araw-araw ay matiyaga siyang nagpuputol ng mga usbong upang bumunga ang halaman. Iningatan din niyang huwag masira ng mga insekto ang mga ubas. Kaya nga tuwing anihan, malalaking mga kaing ang napupuno ng mga matatabang bunga ng ubas. May kulay berde at asul. Hindi pa niya natatagpuan ang kanyang magiging asawa.

Isang araw, malungkot na balita ang dumating. Namatay na ang kanilang ama. Ang labis na naapektuhan ay ang panganay na lalaki. Wala kasi siyang kabuhayan at di niya alam kung saan siya kukuha ng ipapakain sa pamilya.

Naisip ng panganay na lumapit sa pangalawang kapatid. Hindi siya nagtaka kung bakit nagalit ang huli at sinabihan siyang, "Mahiya-hiya ka kuya! Hindi kita matutulungan. Ang kalagayan mo ay bunga ng iyong katamaran at bisyo. Dapat lang na matuto ka ng aral sa pagpapabaya mo sa iyong lupain."

Nilapitan naman ng panganay ang pangatlo sa magkakapatid. Sinabihan siya, "Alam mo naman kuya ang dahilan ng iyong paghihirap, katamaran at bisyo. Ang tanging maitutulong ko sa iyo ay bigyan ka ng kalahating sako ng bigas buwan-buwan, bahala ka na sa iba mong pangangailangan."

Naging masungit ang lupa para sa kanyang mga pananim. Ayaw tumubo ng palay, mais, o ubas. Nagpalago na lamang siya ng gulayan sa bakuran ng kanyang maliit na bahay.

Lumapit ang panganay sa bunsong kapatid. Mainit ang pagtanggap ng bunso sa kanyang kuya. "Halika ka kuya, kumusta ka na, ano ang maipaglilingkod ko sa iyo?" Ikinuwento ng kuya ang kanyang paghingi ng tulong. Sumagot ang nakababatang kapatid, "Kunin mo ang iyong pamilya at dito na kayo manirahan. Lahat ng aking ari-arian ay ibibigay ko sa inyo. Lilipat ako sa iyong lupain at pipilitin kong pagyamanin muli ito. Malaking pasasalamat ang isinukli ng panganay sa kanyang kapatid na bunso.

Nang malaman ng dalawang kapatid ang ginawa ng bunso sa panganay, nag-init sila sa galit. Pinuntahan nila ang bunsong kapatid at pinagsisigawan ito. Tahimik lamang ang bunso habang naghahanda nang lumipat sa bago niyang titirahan.

Nanirahan ang bunsong kapatid sa lupain ng panganay. Naging masungit ang lupa para sa kanyang mga pananim. Ayaw tumubo ng palay, mais, o ubas. Nagpalago na lamang siya ng gulayan sa bakuran ng kanyang maliit na bahay. Nakapag-asawa siya at nagkaroon ng mga anak. Simpleng pamumuhay ang kanyang iginugol sa paanan ng Bundok Cordillera.

Paglipas ng maraming taon, tumanda na ang apat na magkakapatid. Nang sila ay mamatay, sa kani-kanilang lupain sila inilibing.

Ilang taon matapos ang libing, napansin ng maraming tao na ang lupang pinaglibingan ng bunso sa magkakapatid, ay tinubuan ng sari-saring mga bulaklak: rosas, chrysanthemum, dahlia, sunflower at everlasting. Nagtaka ang marami at humanga sa ganda ng hardin. Nakita nilang patuloy sa paglago at pagdami ang mga bulaklak.

Marami ang pumupunta sa hardin upang kumuha ng mga bulaklak at ialay kay Bathala, o kaya'y ihandog sa nililiyag, o para pagandahin ang kanilang mga tahanan, o pangitiin ang pusong nalulungkot.

Hindi nila alam na ang lupang tinubuan ng bulaklak ay ang lugar kung saan nakabaon ang gintong hugis-puso.

Minsan, isang lalaki ang napagawi sa hardin. Bumunot siya ng isang buong halamang rosas kasama ang ugat. Nadiskubre niya sa ilalim ng ugat ang isang piraso ng ginto. Kakaiba ang ginto dahil ito'y hugis at kasinlaki ng puso ng tao. Ang lupa ang eksaktong pinaglibingan ng bunso sa magkakapatid. Tuwang-tuwa ang lalaki at dali-dali niyang dinala ang ginto sa kanyang bayan sa Benguet.

Ipinasuri niya sa isang mag-aalahas ang ginto. Nagulat ang mag-aalahas matapos niyang linisin ang ginto, "Napakataas na uri ang ginto na ito! Napakakinang at magandang klase! Ngayon lang ako nakakita ng ganito."

Dinala ang ginto sa isang panday para gawing singsing at kuwintas. Subalit kahit anong init ng pugon at lakas ng hampas ng martilyo o maging maso ng panday, hindi madurog ni matunaw ang gintong hugis-puso. Ibinalik ang ginto sa nakapulot na lalaki.

"Wala naman palang kuwentang ginto ito, hindi mo magawang alahas o maibenta," ang sabi ng lalaking nakapulot. Itinapon niya ang ginto at lumagpak sa lupa. Sa paglipas ng araw, natabunan na ng lupa ang ginto.

Nagulat ang mga taga-Benguet sa nakita nila, may lumalagong isang hardin sa kanilang lugar. Hardin ng mga bulaklak. Noon lang sila nakakita ng ganon kagandang mga bulaklak, katulad ito ng hardin sa paanan ng Bundok Cordillera. Hindi nila alam na ang lupang tinubuan ng bulaklak ay ang lugar kung saan nakabaon ang gintong hugis-puso.

Mula noon, dumami at kumalat ang mga makukulay na bulaklak sa Cordillera at Benguet. Sa dahilang dito nalibing ang ginintuang puso ng bunso sa magkakapatid. Nagsilbing pataba ito upang sumibol at lumaganap ang mga bulaklak sa mga lugar na nabanggit.

© Noel C. Cruz

back to toptop | about the author



powered by
FreeFind


The Flood Story
by Mabel Cook Cole

Asuang Steals Fire from Gugurang
by Damiana L. Eugenio

Talinhaga ng Apat na Magkakapatid na Lalaki
ni Noel C. Cruz

The Children of the Limokon
by Mabel Cook Cole

Why the Carabao Has a Tight Black Skin
by Rena Krasno
  poems | essays | tales | portrait
from the editor's laptop | welcome reader | frontispiece | bibliography
books | archives | index to issues | about us |
| current issue |